Ni Ate Kulit
Ilan ba sa atin ang nangarap na umuwi sa Pilipinas at magtayo ng sariling negosyo? At ilan ang umuuwi na nalimutan, o piniling kalimutan, ang pangarap na ito? Ang kalimitang dahilan ay wala silang naipong pangkapital. Ang pangalawang dahilan ay dahil, maliban sa pagtatayo ng sari-sari store at pagbili ng tricycle, wala na silang ibang negosyong maisip pasukan.
Pero mayroon ding mga OFW na ngayon ay may sarili nang negosyo sa Pilipinas, hindi lang upang tapatan ang kinikita nila sa Hong Kong, kundi maging sandalan nila habambuhay. Ano ang kaibahan nila sa karamihan na hanggang ngayon ay nangangarap pa rin?
Mayroong naghanda sa kanilang pag-uwi sa pamamagitan ng pagsali sa mga libreng kurso sa tamang paghawak ng kanilang kinita at pagnenegosyo, gaya ng ginagawa ng CARD-MRI.
Kaya naman noong mag-for-good si Annabelle Libao, ang lider ng Isabela Federation, itinayo niya ang Belle’s Bakehaus, kung saan ginamit niya ang hilig sa pagluluto at pag-bake. Ngayon, siya ang puntahan ng mga kababayan para sa ihahanda nila sa mga espesyal na okasyon.
Mayroong mga mapalad na natuto mula sa kanilang kinalalagyan, gaya ni Myrna Padilla, dating lider ng Mindanao Federation. Sa alagang bata ay natutunan niya ang panggamit ng computer at internet, at ginawa niya itong pundasyon ng sa isang high-tech na kumpanya na ang mga kliyente galing pa sa iba’t ibang panig ng mundo—ang Mynd Consulting sa Davao City.
Kapag sinuri natin ang mga katangian nila, lulutang ang pinaka-malimit: Sila ay may pananaw o vision.
Paano ito maibabahagi sa nakararami?
Ito ang payo ni Antione de Saint-Exupery, ang may akda ng maimpluwensiyang librong The Little Prince: “If you want to build a flotilla of ships, you don’t sit around and talk about carpentry. You set the saws ablaze with visions of exploring distant shores.”
Sa isang salita: inspirasyon.
Kaya sa mga susunod na paglalathala ng The SUN, sisikapin naming maglabas ng kuwento ng mga OFW na nagtagumpay sa negosyo, upang ipakita ang konsepto ng negosyo nila at kung papaano nila ito pinursige.
Sana ay maging ambag ito sa ikauunlad ng inyong buhay sa hinaharap, mga katribo.