Bilang isang miyembro ng Help Desk Committee sa Immaculate Heart of Mary Parish, isang simbahang Katoliko dito sa Hong Kong, hindi lang problema sa amo o trabaho ng mga manggagawang Pilipino ang aming tinutulungang malutas. Kasama din sa aming misyon ang pagtulong sa iba pang problema ng aming kapwa, kabilang na ang pagrehistro nila sa BMOnline para makakuha sila ng OEC exemption na kakailanganin nilang ipakita sa airport para makabalik mula sa kanilang pagbabakasyon sa Pilipinas.
Dahil sanay ako sa paggamit ng computer pinag-aralan ko na rin kung paano gumawa ng sarili kong account sa BMOnline. Sa una ay medyo nahirapan ako kaya ginamit ko ang guide na nasa youtube para matuto.
Dahil may BMOnline account na ako, maraming miyembro sa aming simbahan ang lumalapit sa akin para magpatulong. Bilang tugon ay isinama namin sa aming coregroup meeting ang kung paano tumulong para makagawa ng BMOnline account, at pati na rin ang paggamit ng computer. Laking pasasalamat namin na natanggap ang aming panukala, kaya marami sa mga malapit nang umuwi ang nagsasabi sa akin na tulungan silang gumawa ng account at magpa-appointment sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) para makumpleto ang kanilang pagre-rehistro sa BMOnline. Masaya ako na nakakatulong sa mga kaibigan at kasama ko sa simbahan.
Isang araw, may kaibigan ako na nagtanong kung gusto ko daw bang mag volunteer sa POLO para magturo sa mga kababayan na walang accounts sa BMOnline, gamit ang computer. Agad akong nag message kay Labor Attache Jalilo dela Torre na gusto kong mag volunteer, at agad naman siyang sumagot na welcome daw ako.
Sa unang araw ko bilang volunteer ay nabigla ako sa dami ng mga taong nakapila para manghingi ng tulong para sa OEC. Hindi ko inexpect yun, pero masaya ako na nakatulong. Sa araw na iyon ay nakilala ko rin ang ibang volunteer at mga staff ng POLO.
Ang karaniwang problema ng mga aplikante ay ang kanilang email address kasi, hindi na nila maalala ang kanilang password at hindi alam ang una nilang gagawin. Dahil dito, ang una naming pinapaliwanag ay kung paano nila makikita ang kanilang email address lumalabas sa kanilang telepono, at para iyon na ang gagamitin sa kanilang pag register bilang “new user”.
Mayroon ding nagpagawa lang ng account sa kaibigan o amo kaya hindi na matandaan ang email address at hindi na mabuksan ang kanilang profile sa BMOnline. Sa ganitong pagkakataon, tinutulungan na lang namin silang gumawa ng bagong email address at ng makagawa ng panibagong BMOnline account.
Marami din ang nagkaka-problema dahil kulang na sa anim na buwan ang validity ng kanilang passport kaya hindi na puwedeng mag rehistro sa BMOnline. Kung hindi pa nila ito nare-renew kailangan muna nilang ipa-extend ang expiration date para makarehistro at makakuha ng OEC.
Ang isa pang problema ng marami ay hindi sila marunong gumawa ng appointment online o kaya ay walang panahon kaya marami pa rin ang walk-in na aplikante tuwing Linggo.
Minsan nakaranas ako ng hindi maganda dahil sa mahabang pila ng mga aplikante sa tulay papasok sa POLO. Mayroong nagparinig dahil nagmamadali kasi may curfew, at mayroon ding nagrerelamo na ang tagal na nila sa pila ay hindi pa rin nakakapasok.
Bilang volunteer ay nandoon ako para tumulong at hindi makipagtalo kaya hindi ko na lang pinapansin ang mga nagrereklamo. Dapat nilang maintindihan na sa simula pa lang ay ang may appointment ang priority kaya ang mga walk-in ay kailangang maghintay hanggang matapos ang nakalista. Pero kapag senior citizen sila o uuwi dahil may emergency katulad ng namatayan ay inuuna naming sila.
Sa ilang linggong pagtulong ko ay napansin ko na kahit si Labatt dela Torre ay umuupo sa harap ng computer para tumulong sa mga wala pa sa BMOnline, at kahit public holiday ay bukas ang 11floor ng POLO para sa OEC.
Kabilang sa nakadagdag sa pila ang ilang OFW na nakakuha na ng OEC exemption pero para makasiguro ay pumupunta pa rin sa POLO para magtanong.
Pabor ako sa pagpapatuloy ng pagrerehistro sa BMOnline dahil isang paraan ito para magka record ang isang isang OFW sa POEA, para na rin sa kanilang proteksyon.
Ang hiling ko lang sa mga kapwa ko OFW ay sana ay lagi silang makibalita sa mga nangyayari sa Hong Kong, lalo na iyong may kinalaman sa ating mga dayuhang manggagawa. May sariling facebook page ang Philippine Consulate General at POLO para sa mga bago at karagdagang balita.
---
Ang ating panauhing manunulat para sa isyung ito ay si Rodelia P. Villar, isang beteranong volunteer sa simbahan na isa ngayon sa mga nakatutok para mapadali ang pag-register ng mga kapwa manggagawa sa BMOnline, at sa gayon ay makakuha ng OEC exemption para sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas. Ayon kay Rodelia, mahilig siyang sumulat at tumulong sa kapwa kaya naisip niyang palawakin pa nang lalo ang kanyang ginagawa sa pamamagitan ng pagsusulat sa The SUN. Dati siyang nangasiwa sa newsletter ng kanilang simbahan sa Taipo sa loob ng 14 taon, at nagsusulat din para sa Mabuhay, ang diyaryo ng simbahang Katolika sa Hong Kong. Bilang miyembro ng Help Desk committee ng kanilang simbahan ay tumutulong din siya sa paggabay sa mga migranteng manggagawa na may problema. Nag-iimbita din daw sila ng mga tagapagsalita mula sa Help for Domestic Workers para mas lalo nilang maintindihan ang mga batas na sumasaklaw sa mga migrante. Si Rodelia ay 15 taon na sa Hong Kong, may asawa at isang anak, at nakatapos ng kursong Hotel and Restaurant Management – Ed)