Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

iDOLE, katapusan ng dusa ng OFW

26 July 2017

Pagkatapos ilunsad ng Department of Labor and Employment ang iDOLE ID card noong Hulyo 12 ay nakatakda nang simulan ang pamimigay nito sa mga manggagawang Pilipino na papalabas, o naroroon na sa ibang bansa.

Sa kanyang pahayag noong Hulyo 4, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang pinakahihintay na OFW ID card ay siyang magiging kapalit ng overseas employment certificate ang mga manggagawa.

Dalawang problema kaagad ang malulutas ng pagpapa-tupad sa nasabing ID card.

Una, mawawala na ang mahahabang pila ng mga aplikante para sa OEC exemption sa tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office at sa mga kalapit na tulay sa Admiralty  na nagsanhi ng pagdurusa sa mga OFW noong mga nakaraang taon.

Pangalawa, mababawasan nang husto ang gawain ng mga tauhan ng POLO dahil sa paglaya nila mula sa nakauubos-panahong pag-aasikaso sa libu-libong taong dumaragsa sa nasabing tanggapan para sa OEC tuwing malapit na ang bakasyon ng mga OFW.

Para sa kanila na pumapasok kahit araw ng pahinga, ginhawang tunay ang iDOLE. 

Malaking kaluwagan at ginhawa din ang idudulot ng iDOLE sa mga manggagawa, na ang karamihan dito sa Hong Kong ay karaniwan nang nakatali sa mga gawaing-bahay at tuwing araw ng pahinga lamang nakakapunta sa POLO para sa iba’t ibang transaksiyon na nais nilang gawin.

Sa kasagsagan ng pagkuha ng OEC ay nauubos ang day off ng mga OFW, na karamihan ay mga kasambahay, upang pumila sa Admiralty para sa dokumentong nagkakahalaga ng  $20 na nagpapatunay na sila ay mga tunay na mga OFW.

Sa nakaraang tatlong dekada ay madalas na nagiging mitsa ng iringan sa pagitan ng mga manggagawa at mga tauhan ng POLO ang OEC dahil sa di-maiiwasang matagal na pagpila para sa dokumentong iyon.

Ipinangako ni Bello sa mga OFW nang dumalaw siya sa Hong Kong noong nakaraang Setyembre na aalisin ng gobyerno ang OEC dahil ayaw umano ni Pangulong Duterte na makita ang mahabang pila ng mga manggagawang Pinoy para sa kapirasong papel na nagsisilbing pases para makalabas silang muli kapag umuwi sila sa Pilipinas.

Samantala, mabibigyan na ng POLO ng sapat na atensiyon ang iba pang serbisyong ibinibigay nito sa mga manggagawang Pilipino tulad ng pagtulong sa mga may problema sa trabaho, ang mga may nilalakad kaugnay ng mga kontrata, at ang pag-aasikaso sa mga pagsasanay na ibibigay sa mga OFW upang mapabuti ang kanilang trabaho.

Makatitipid din nang malaki ang POLO pagdating sa pag-upa ng bagong opisina dahil hindi na nito kailangan ang malaking bulwagan tulad ng espasyong inilaan para sa mga kumukuha ng OEC sa Admiralty Centre nitong nakaraang dalawang taon.

Ang iDOLE, ayon kay Bello, ay siyang “pinakamagandang regalo” ni Duterte sa mga OFW at magbibigay-daan sa kanila upang mapabilis ang makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Pag-IBIG, SSS, at PhilHealth.

Mapapabilis din ng iDOLE ang paghahanap o pagkuha nila ng kanilang mga record sa gobyerno gamit ang internet, at puwede rin nilang gamitin ito bilang debit card at ATM card para sa mga bangko ng OFW, o bilang “beep card” sa LRT at MRT.

Higit sa lahat, posible diumanong magamit kinalaunan ang nasabing ID bilang electronic passport, dahil nasa smart chip nito ang lahat ng personal na impormasyon tungkol sa nagmamay-ari ng iDOLE. Kailangan na lang ang isang maayos na sistemang mag-uugnay sa mga kaukulang ahensiyang susuri sa mga detalye ng bawat OFW.

Kapag naipatupad ang paggamit sa iDOLE bilang pasaporte, maaaring ito na ang magiging modelo sa pagpapatupad ng isang pambansang ID tulad ng sa Hong Kong na kailangan upang mapadali ang anumang transaksiyon ng madla sa mga ahensiya ng pamahalaan at sa pribadong sektor sa Pilipinas.

Don't Miss