Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ang mga negosyanteng OFW

06 July 2017

Ni Cristina B. Cayat

Si Andria ay kasalukuyang nagtatrabaho
sa HK pero nakipagsapalaran sa
negosyo ng patanim. Kamalakilan,
umani ito ng 6 toneladang kalabasa sa
tatlong buwang pag-aalaga.
Karamihan sa mga nangingibang bansa ay nangangarap na maiangat ang buhay ng kanyang pamilya. Gusto nilang mapag-aral ang mga anak, makapundar ng bahay, at makapag-ipon ng perang pampuhunan sa negosyo balang araw.

Kasama sa pangingibang bansa ang pagharap sa iba’t ibang pagsubok, sa trabaho man o dahil sa mga pangyayaring hindi inaasahan na may kinalaman sa mga naiwang pamilya sa Pilipinas. Dahil sa mga ito, napapatagal ang pag-iipon o pagkamit sa mga pangarap. Ngunit marami din naman ang naalpasan ang mga ganitong pagsubok sa buhay, at naging mas pursigido pa nga dahil sa mga kagipitang inabot.

Ang mga sumusunod ay kuwento ng ilang mga nangibang-bansa na nagsusumikap linangin ang mga taglay na talento, o samantalahin ang mga oportunidad na dumarating sa kanilang buhay. May mga nakikipagsapalaran na magpatakbo ng negosyo sa Pilipinas kahit na kasalukuyan pa silang nagtratrabaho sa Hong Kong. Mayroon din namang umuwi na upang masubaybayan nang husto ang negosyong itinayo. Magkaiba man ang kanilang pamamaraan, lahat sila ay dala ang kaba at tuwa ng bawa’t “entrepreneur” o negosyante na nagsisimula.

Si Ma. Andria A. Mendoza at ang
kanyang anak na si Jana Marie.
Isang halimbawa si Ma. Andria Mendoza na taga Iloilo, at single parent sa kanyang dalaginding na si Jana Marie. Dati nang nagtrabaho si Andria sa Middle East ng tatlong taon at kalahati kung saan hindi siya sinuwerte dahil sa masamang trato sa kanya ng among Arabo. Sa panahon ding iyon ay magulo ang kanyang relasyon sa asawang naiwan sa Pilipinas. Nalulong ang asawang iniwan sa droga, inom at pambababae. Dahil sa masamang kalagayan niya sa trabaho ay  nagpasya siyang umuwi ngunit ang dinatnan niya ay mas masahol pa sa problemang iniwan niya sa ibang bansa.

Ilang buwan lang ang itinalaga ni Andria sa Iloilo dahil pinagbuhatan siya ng kamay ng kanyang asawa sa harap ng kanilang anak. Nagpasya siyang isumbong sa awtoridad ang asawa para hindi na ito muling makalapit sa kanilang mag-ina, at pagkatapos ay umalis muli patungong Hong Kong. Sa pagdaan ng panahon ay nagbago naman ang dating asawa, at ngayon ay may sarili nang pamilya, at hindi na nanggugulo kina Andria at Jana Marie. Si Andria naman ay nasa maayos na ring relasyon sa kanyang partner sa negosyo.

Sabi ni Andria, masaya siya sa kanyang kinalalagyan ngayon, mababait ang kanyang mga amo sa Tseung Kwan O, at nagkaroon siya ng pagkakataon na makasali sa programang Leadership and Social Entrepreneurship ng Ateneo University para sa mga Pilipino sa ibang bansa. Naging trainor din siya ng PinoyWISE Hong Kong, ang grupo ng mga OFW na nagbibigay ng pang-pinansiyal na kaalaman sa mga kapwa manggagawa.

Maayos na rin ang kanyang pinansiyal na kalagayan. Malapit nang matapos ang bahay na kanyang pinapagawa, at nagsimula na siyang umani sa kanyang pinapataniman na lupa.

Una siyang nagpatanim ng kalabasa sa dalawang ektaryang lupa na pagmamay-ari ng kanyang kasintahan. Enero ng taong ito ay umani siya ng anim na toneladang kalabasa sa loob lamang  ng tatlong buwan na paghihintay, at sa ngayon naman ay palay ang kanyang ipinatanim.

Ayon kay Andria, tiwala siya na ang kanyang pinasukang negosyo ay magtatagumpay dahil  kaagapay niya rito ang kanyang kasintahan na siyang namamahala sa mga nagtratrabaho sa sakahan. Sabi ni Andria, masaya din siyang nakakatulong sa mga taong gustong tulungan ang sarili nila.

May mga nauna na rin siyang sinubukan na negosyo, ang pag buy and sell ng palay, ngunit hindi siya nagtagumpay. Ngayon ang mga tao na ang lumalapit sa kanya para sabihin na gusto nilang magtanim, kaya ang sabi niya, minsan ay mas maganda na makinig o pulsuhan muna ang  kalagayan ng mga manggagawa. Nakakataba diumano ng puso ang mabatid na nakakapagbigay siya ng trabaho sa iba. Sa ngayon ay panatag ang kanyang loob na magpapatuloy ang pag-unlad ng pataniman na sinimulan niya sa kanilang bayan ng Pototan sa Iloilo.

Ang isa pang napakagandang kuwento ay mula kay Marifi Reyes. Mayroon siya ngayong negosyo na ipinangalan niya sa kanyang anak, ang Nathaniel’s Kids’ Shop na isang buy and sell sa General Trias, Cavite. Sabi ni Marifi, ang kanyang negosyo ay dahil na rin sa tulong ng LSE.

“Thank you LSE for the mentoring, for the motivations and support, salamat sa mga naituro nyo, (dahil) unti-unti ay nakakapundar kami ng mga simpleng negsoyo”, sabi niya.

Si Marifi ay nagsimula lamang sa kapital na Php75, 000, pero sa ngayon ay kumikita na daw siya ng hindi bababa sa Php1,000 kada araw, at mayroon siyang dalawang taga-tinda. Malaking tulong aniya ang pagkakaroon ng negosyo dahil kaunti na lamang ang kanyang dapat ipadala sa Pilipinas mula sa kanyang kinikita sa Hong Kong. Mas lalo daw siyang nagpupursigi sa pag-iipon dahil gusto na rin niyang makasama ang kanyang anak.

Kamakailan lang ay nabili na din ni Marifi ang katabing tindihan sa halagang Php85,000, at kasalukuyan na itong inaayos bilang dagdag espasyo sa kanyang lumalaking negosyo. Ayon sa isang post niya sa Facebook, may mga pinasukan na rin siyang negosyo dati, pero sa buy and sell lang daw siya sinuwerte. Aniya, medyo naka kaba din ang magpatakbo ng negosyo mula sa malayo pero ngayon na kasama na niya ang kanyang tatay sa pag-aasikaso ay mas palagay na siya.

Tuwing napag-uusapan naman ang pag “for good” ay napapaindak sa saya si Marilyn Andaya na taga Lusod, Madella sa Quirino. May usapan na kasi sila ng kanyang amo na bilang na ang mga buwan na kanyang ilalagi sa Hong Kong.Tuwang tuwa siya dahil malapit na niyang masimulan ang planong pagtitinda ng mga lutong pagkain. Pero hindi lang ito ang gusto niyang tutukan, kundi ang iba pang negosyo na ipinundar niya habang nagtatrabaho sa Hong Kong.

Nagpasya siyang umuwi na dahil wala na siyang ibang ginagastusan ngayon. Nakapagtapos na ang kanyang dalawang anak, isang seaman at isang aeronautical engineer. Dahil hindi pa nagtatrabaho ang kanyang bunso ay siya naman daw ang nag-aasikaso sa kanilang palayan, babuyan at itikan. Naka-abang na rin ang puwesto na kanyang gagamitin sa kanyang mga lutong pagkain pag-uwi niya. Sa ngayon ang puwesto ay pinapa-upahan niya muna sa isang manikurista para kahit paano ay kumikita na rin.

Si Marilyn ay mahilig magluto, at isa sa mga nagbibigay ng training sa food processing para sa kanyang organisasyon na Balikatan sa Kaunlaran HK Council simula pa noong 1996 nang siya ay naging miyembro. Natutuwa daw siyang marinig na yung mga naturuan niya ay nagagamit ang dagdag-kaalaman para may dagdag-kita.

Madalas din siyang magluto para sa isa pa niyang grupo, ang Apostleship of Prayers ng St Joseph’s church sa Central, at ang pinakapaborito ng lahat ay ang kanyang suman. Aniya, galing pa sa kanyang lola ang ginagamit niyang recipe dito.

Kuwento ni Marilyn, “Ipinagluluto ko sila, pagkatapos ay babayaran na lamang nila ako kung magkano ang nagamit ko sa pagluluto, kasama ang kaunting patong para sa gaas at pamasahe ko, nalilibre pa ang pagkain ko.”

Si Marites Atentar at isa sa kanyang mga obra. 
Ang isang umuwi na ng tuluyan ay si Marites Atenar na nagtuturo ng sining ngayon sa isang eksklusibong eskuwelahan sa Makati. Buong pagkukumbaba niyang ikinuwento na isa “lamang” siyang teacher aide, at nakapagtrabaho doon sa tulong ng kanyang kakambal na isang guro sa naturang eskuwelahan.

Pero hindi basta-basta ang kakayahan ni Marites sa pagpinta, dahil habang nasa Hong Kong, ay sumali siya sa ilang workshop para mas lalo siyang matutong humagod sa canvas. Ang kanyang paboritong medium ay acrylic, na ginagamit niya sa pagpinta ng mga ibon at makukulay na Filipiniana design. Pag-uwi niya ay may isang negosyante sa Makati na agad siyang binigyan ng commission para gumuhit ng palamuti para sa kanyang restoran.

Ayon kay Marites,  masaya siya na patuloy niyang nagagamit ang kanyang talento, at nakapagbibigay ng galak sa mga bata. Mula noong umuwi ay naging abala na siya sa mga pagtuturo, pagpinta sa dingding ng eskuwelahan, at paglalagay ng palamuti tuwing may ipinagdiriwang na okasyon doon.

Iba naman ang pinagkakaabalahan ni Grace Ananayo na dati ring OFW sa Hong Kong. Siya ngayon ay namamahala sa anim na trabahador ng isang malaking kooperatiba sa Banaue, Ifugao na pagma-may-ari ng mga OFW. Maliban sa kanyang trabaho bilang general manager ng House of Ekolife sa Banaue, si Grace ay may sarili ding tindahan ng mga pasalubong at street food. Sabi ni Grace, masarap mamuhay sa Pilipinas dahil kasama mo na ang pamilya mo, nasusubaybayan mo pa ang negosyo mo. Wala na raw siyang balak bumalik sa ibang bansa para magtrabaho.

Si Alvir Catacutan (kaliwa, kasama ang
kanyang mga tauhan) na sumugal sa pagtatanim
ng sugarcane sa Negros Oriental—
iniwan ang siguradong sahod bilang OFW upang
matikman ang kalayaan bilang negosyante.
Ang isa namang maituturing na inspirasyon pagdating sa pagbabalik sa bayan para magbungkal sa lupa ay si Alvir Catacutan ng Negros Oriental. Umuwi siya sa Pilipinas sa unang bahagi ng taong kasalukuyan upang magbakasyon lamang at simulan ang pagtatanim ng tubo. Agad niyang napansin na may dalang kakaibang saya ang pagbubungkal ng lupa, kaya nagpasya siyang bumalik na ng tuluyan. Sabi niya, sa pitong taon niyang pangingibang-bansa ay noon lang siya nakaramdam ng tunay na kalayaan.

Bumalik siya sa Hong Kong para magbigay ng isang buwang abiso sa kanyang amo na nabigla, dahil alam nitong wala sa plano ni Alvir ang mag “for good” na. Kahit siya ay umaming nabigla din, dahil ang una niyang balak ay manatili sa Hong Kong ng 10 taon, na ibinaba niya sa tatlo matapos mag-aral sa LSE. Ang plano niyang bungkalin ang lupang tigang na pagma-may-ari ng kanyang kamag-anak ay naging pangmatagalan. Ang lupa ay may sukat na 2.6 hectares at may 16 siyang trabahador na tumutulong sa kanya sa pagsasaka dito.

Ayon kay Alvir, kakaibang saya ang nararamdaman kapag nakikita mong nakakatulong ka sa mga kapwa mo magsasaka. Mas lalo itong makahulugan dahil sa kawalan ng trabaho sa probinsya.

“I will probably continue the business in sugarcane trucking service, like hauling sugarcane,” masaya niyang kuwento. Wala na daw siyang balak pang bumalik sa ibang bansa para mangamuhan.

Iba-ibang negosyo, iba-ibang pamamaraan ng pangkabuhayan.

Nguni’t iisa ang hangad ng bawat isa, ang matumbok ang negosyo na kumikita, at nagbibigay sa kanila ng saya. Kayo, anong negosyong nais ninyong itayo pagkatapos magtrabaho sa Hong Kong? Hindi pa huli ang lahat para umuwi, at subukang magtrabaho para sa sarili.

Don't Miss