Nagkatuwaan ang mga Dabarkads sa backstage ng Eat Bulaga noong June 24 at nagkanya-kanya ng hula at pustahan kung ano ang kasarian ng magiging panganay nina Vic Sotto at Pauleen Luna. Team Jessica, kung ang hula ay babae, at team LeBron kung lalaki ang hula. Nagkaroon ng kasagutan ito sa pagkagat nina Vic at Pauleen ng lollicakes, at tumambad ang kulay pink na laman nito, kaya panalo ang team Jessica.
Nilinaw naman ni Pauleen na hindi Jessica ang ipapangalan nila sa kanilang baby, at katuwaan lang daw nila na tatawagin itong Jessica Sotto (katunog ng pangalan ni Jessica Soho, ang sikat na mamamahayag ng GMA Network) o LeBron, na pangalan naman ng sikat na NBA basketball player. Sa ngayon ay wala pa raw silang napipiling pangalan para sa baby.
Gusto raw sana ni Vic na lalaki ang panganay nila, pero para kay Pauleen, hindi mahalaga ang kasarian ng magiging baby nila, basta malusog daw ito. Apat na buwan na ang tiyan ni Pauleen, at hindi raw siya nahihirapan sa kanyang pagbubuntis. Marami nga ang nakakapuna na blooming daw siya ngayon at walang ka-sumpong-sumpong, kaya marami ang humulang babae ang magiging anak niya.
Ang anak nila ni Pauleen ay panlima sa mga anak ni Vic. Ang iba pa niyang anak ay sina Danica at Oyo, na anak niya sa unang asawa niyang si Dina Bonnevie; Paulina, na anak niya kay Angela Luz; at Vico, na anak naman niya kay Connie Reyes. Ikinasal sila noong January 30, 2016.
AI AI, IKAKASAL SA DISYEMBRE
Noong una ay urong –sulong si AiAi delas Alas na magpakasal sa kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan, pero nang payuhan siya ng kaibigang pari na magpakasal na dahil matagal na rin silang nagsasama ng binata ay agad silang kumilos.
Kamakailan ay napabalitang namanhikan na ang pamilya ni Gerald, at sa mga larawang inilabas ay may-kasama pang abogado ang bawat panig, at tila may mga dokumentong nilagdaan, na palagay ng marami ay pre-nuptial agreement.
Balitang sa December 12 gaganapin ang kasal, at kabilang sa mga ninong at ninang sina Cong. Vilma Santos at asawa nitong si Sen. Ralph Recto. Usap-usapan din na sagot ni Marian Rivera, na malapit na kaibigan ni AiAi, ang isusuot niyang bridal gown na nagkakahalaga raw ng kalahating milyon, at pati na rin ang mga bulaklak.
Ito ang pangatlong beses na pagpapakasal ni AiAi. Nauna siyang nagpakasal sa singer na si Miguel Vera, pero idineklara ito na walang bisa ito dahil may nauna palang pinakasalan si Miguel. Nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Sean Nicolo at Sofia, na ngayon ay naninirahan na sa Amerika, sa bahay na ipinundar ni AiAi. May isa pang anak ang aktres, si Sancho Vito, na isa na ring aktor, at kasama niya sa bahay. Noong 2013 ay muli siyang nagpakasal sa Las Vegas kanyang Fil Am boyfriend na si Jed Salang, na mas bata sa kanya ng 20 years, pero naghiwalay agad sila pagkatapos lang ng isang buwan, at nauwi sa divorce.
RICHARD AT SARAH, NAKA 5 YEARS NA
Sinorpresa ni Richard Gutierrez ang kanyang live-in partner na si Sarah Lahbati nang dumating ito na may dalang bulaklak sa premiere night ng pelikulang “Ang Pagsanib kay Leah dela Cruz” na tinatampukan ni Sarah. Hindi daw inasahan ni Sarah na darating ito dahil ang alam niya ay manonood ang buong pamilya Gutierrez sa bahay nila sa White Plains ng pilot episode ng “La Luna Sangre”, ang unang project ni Richard bilang isang Kapamilya.
Suot ng gabing iyon ni Sarah ang kanyang diamond and sapphire promise ring na bigay sa kanya ni Richard, kaya tinukso siya na baka kasunod na nito ang engagement ring at kasal. Hindi naman marahil malayo ito dahil apat na taon na ang kanilang anak na si Zion, at nananatiling very sweet pa rin sila sa isa’t isa.
CHARO AT LAV, MAY BAGONG PELIKULA
May bagong pelikula inihahanda sina Charo Santos at filmmaker Lav Diaz, kasunod ng award-winning film nilang “Ang Babaeng Humayo” na nanalo ng Golden Lion award sa Venice Film Festival noong nakaraang taon sa Italy.
Sisimulan na raw ang shooting ng bagong pelikulang “Ang Saka ni Henrico (Henrico’s Farm)” sa Agosto. Ito ay tungkol sa buhay ng mga domestic helper na nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Sa Singapore ang magiging setting ng pelikula, at gagampanan ni Charo ang papel bilang isang OFW.
Isasali ang pelikula sa Singapore International Festival of Arts, kung saan ay naimbitahang sumali si Diaz, na isang Radcliffe fellow sa Harvard.
VICKI AT HAYDEN, KASAL NA
Ikinasal sina Dr. Vicki Belo at Hayden Kho sa isang simpleng civil wedding na ginanap sa bahay ni Vicki sa Makati City noong June 21. Ang nagkasal sa kanila ay si Makati Mayor Abby Binay.
Pitong tao lang daw ang nakasaksi sa naturang okasyon, kabilang na ang kanilang anak na si Scarlet Snow, pero wala ang kani-kanilang pamilya at ibang malalapit sa kanila. Nalaman lang ito ng publiko nang ipinost ng dalawa sa Instagram ang ilang larawan at saloobin.
Ani Vicki: “I was afraid that I would feel like I would lose my freedom by getting married. Instead I feel joyful and free.”
Ang anak ni Vicki na si Quark Henares ay naglabas ng hinanakit sa Facebook: “Dear people with children: If you ever get married again be sure to give the kids a heads up, lest they find out via reporters calling them in the middle of the night.” Si Quark at kapatid nitong si Cristalle ay anak ni Vickie sa unang asawa niyang si Atom Henares.
Pero tuloy pa rin daw ang grand wedding nila na gaganapin sa Paris sa September. Nauna na nilang pinadalhan ng secret messages bilang imbitasyon ang malalapit na tao sa kanila, na ang nakasaad: “This is Scarlet Snow Belo and I would like to invite you to be present when my parents, Daddy Hayden and Mommy Vicki, get married in our favorite city, Paris.”
KALAHOK SA CINEMALAYA 2017
Sampung pelikula ang napiling finalists mula sa 174 kalahok sa main stream movies ang itatanghal sa 13th Cinemalaya Independent Film Festival sa taong ito. Para sa short film category, 12 ang napiling kalahok para din sa naturang festival Aug 3 -14 sa Cultural Center of the Philippines (CCP) at Ayala cinemas.
Ang mga finalists (Full-length movies):
1) “Ang Pamilyang Hindi Lumuluha” – Mes De Guzman, director, starring Sharon Cuneta;
2) “Ang Guro Kong Hindi Di Marunong Magbasa” – ni Perry Escano, starring Alfred Vargas, Mon Confiado, James Blanco, Miggs Cuaderno, Micko Laurente;
3) “Baconaua” ni Joseph Israel Laban; starring Elora Espano, Teri Malvar, JM Salvador, Bembol Roco;
4) “Bagahe” ni Zig Dulay, starring Angeli Bayani;
5) “Nabubulok” ni Sonny Calvento; starring Gina Alajar, JC Santos, Billy Ray Galleon
6) “Pacboy” (Kiko Boksing-ero) ni Thop Nazareno;
7) “Requited” ni Nerissa Picadizo; starring Jake Cuenca, Anna Luna
8) “Respeto” ni Treb Mon-teras II; starring Loonie, Abra
9) “Sa Gabing Nanahimik ang Kuliglig” ni Iar Lionel at Benjamin Arondaing, starring Ruby Moreno, Alex Medina, Karl Medina
10) “Unang Patak ng Ulan ng Mayo” ni Cenon Obispo Palomares
Ang kalahok sa Short Film:
1) Aliens Ata - Karl Glenn Barit
2) Juana and the Sacred Shores - Antonne Santiago
3) Lola Leleng - Jean Cheryl Tagyamon
4) Fatima Marie Torres and the Invasion of Space Shuttle Pinas 25 - Carlo Francisco Manatad ; 5) Bawod (Bent) - Terimar Malones
6) Nakaw - Arvin Belarmino
7) Sorry for the Inconvenience - Carl Adrian Chavez
8) Hilom - Paul Patindol
9) Manong ng Pa-aling - E. del Mundo
10) Maria - Jaime Mabac Jr
11) Nakauwi Na - Marvin Cabagunay
12) Islabodan - Juan Carlo Tarobal