Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Saludo kay Ina

03 June 2017

Itong nakaraang araw ay panahon ng pagtatapos ng mga batang nag-aaral sa Pilipinas, mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo.

Marami sa kanila ay iniwan ng kani-kanilang ina noong paslit pa, upang magtrabaho sa ibang bansa. Marami sa mga mga batang ito ay ina lang ang nagtaguyod, dahil ang ama ay nanatiling walang trabaho, sumakabilang buhay o sumakabilang bahay.

Ang mapagtapos ang mga anak ay isa sa mga pangarap ng maraming ina, dahil ito ang daan sa kanilang pag-ahon sa hirap. Ito rin ang paniguro para sa mas maayos na kinabukasan.

Ang pagtatapos ay patunay din na ginawa ng anak ang kanyang obligasyon  bilang ganti sa mga pagsubok, kalungkutan at pahirap na hinarap ng inang nag-OFW.

Sa hanay ng mga OFW sa Hong Kong, marami na ang nagtala ng tagumpay. Mayroon diyang may maipagmamalaking anak na abogado, engineer, doktor, accountant at iba pa. Iba’t ibang propesyon ang pinuntahan, pero iisa lang ang pinanggalingan: ang inang nagtiis na iwanan sila upang mag-alaga ng anak ng iba.

Pero marami rin sa mga inang OFW ang lumuha dahil nagluko ang kanilang  anak. May anak na nagwaldas ng pang-matrikula sa luho. May nagpanggap na nag-aaral, hanggang magdiskubre sa araw ng pagtatapos — kung kailan dumating na ang ina para dito — ang kanilang kasinungalingan.

Kung tutuusin ay hindi pa ito ang pinakamasahol na balitang mag-aabang sa isang ina. May mga anak na nalulong sa droga, may nabuntis, may nakabuntis, may nasuong sa krimen.

Malungkot man ang nangyari, hindi ito hadlang sa patuloy na suporta ni Inay. Marami ang sinisisi ang sarili dahil hindi nila nagabayan ang mga anak sa kanilang paglaki. Malungkot mang babalik sa trabaho sa abroad, patuloy pa ring tutustusan ang kailangan ng mga anak.

May mga anak na mamumulat ang mata sa mga kasalanang nagawa sa ina at magbabago. Mayroon ding sisisihin ang ina sa nangyari sa kanila, at magiging palamunin habambuhay.

Pero ganito ang pag-inog ng mundo ng OFW. May  magtatagumpay at may masasawi. Kung ikaw ay isang inang OFW, ito ay saludo sa iyo.

Don't Miss