Sabi ni Marian, tuwing uuwi sya mula sa kanyang araw ng pahinga ay kInakailangan pa niyang maghintay sa labas ng bahay ng amo dahil laging nasa labas ang mga amo kahit lampas na sa curfew niyang alas nuwebe ng gabi. Ayaw din naman niyang magbakasakaling magpahuli ng dating dahil baka mapagalitan siya.
Tiniis din niyang tila nakakulong sa bahay ng amo kapag iniwan siyang mag-isa dahil naka padlock ang pintuan sa harap at likod ng bahay, at pati na rin ang kuwarto ng mga amo at alaga niya. Hindi rin siya pweding tumambay sa sala, kaya sa maliit na kusina lang siya umiikot.
Bukod dito ay limitado ang pagkain kaya sobrang payat niya sa mga panahong iyon.
Pero tiniis niya lahat ang hirap dahil may dalawa siyang anak na pinagaaral sa kolehiyo at ayaw niyang matigil ang mga Ito kapag lumipat siya ng amo. Wala siyang naging puhunan kundi ang pagdarasal.
Nang malapit na syang matapos sa kontrata, hiningi niya sa Panginoon na bigyan siya ng palatandaan kung dapat ba niyang ituloy ang paninilbihan sa pamilya ng amo. Matapos ang ilang araw pagkatapos niyang maipasok ang bagong kontrata sa Konsulado, may naganap na pangyayari na nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na iwan ang pamilya.
Pinagbintangan siya ng among lalaki na may mga nawawalang gamit sa bahay nila, bagay na nagpainit sa ulo ni Marian. Sinabihan niya Ito ng, “I'm confused. You want to re-contract me, yet you are accusing me of taking your things.”
Nagdesisyon si Marian noon din na hindi na ituloy ang kontrata kahit pa nanghingi na ng paumanhin ang among lalaki. Agad naman siyang nakakuha ng amo kahit 6 anim na araw na lang ang natitira sa kanyang visa.
Sa ngayon ay may bago na siyang amo na napakabait. Pinapayagan siyang lumabas ng Sabado bukod pa sa regular niyang labas tuwing Linggo. Mas mahalaga, may sarili na siyang susi sa bahay. -Cris Cayat