Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Liza Soberano ang bagong Darna?

02 June 2017

Usap-usapan na ang pagkakapili sa Kapamilya aktres na si Liza Soberano para gumanap na bagong Darna sa pelikula. Si Liza ay susunod sa yapak ng mga dating Darna na sina Rosa del Rosarrio, Eva Montes, Vilma Santos, Anjanette Abayari, Nanette Medved, Angel Locsin, at Marian Rivera.

Kahit wala pang opisyal na pahayag mula sa Star Cinema tungkol dito, hindi rin nila pinabubulaanan ang kumakalat na balita. Matapos ipahayag na hindi na makakalipad bilang Darna si Angel Locsin dahil sa tinamong injury, nabuhayan ng pag-asa ang mga fans nina Liza, Kathryn Bernardo, Yassi Pressman, Nadine Lustre, Jessy Mendiola, at maging ang dating Miss Universe na si Pia Wurtzbach, na makuha ng kani-kanilang idolo ang role.

Bilang pakunswelo sa mga nagpo-protestang fans ni Angel, na matagal nga namang umasa na muling mapanood siya bilang Darna, may mga bagong project na inihahanda para sa kanya. Una na rito ang pagbabalik-tambalan nila ni Richard Gutierrez, at kasama rin si Angelica Panganiban.
Inaabangan na kung sino ang mapipiling gumanap sa papel na Ding, Efren at mga bagong makakatunggali ni Darna.

BILLY AT COLEEN, IKAKASAL SA 2018
Sa summer ng 2018 napiling magpakasal nina Billy Crawford at Coleen Garcia. Hindi binanggit ni Coleen ang petsa, pero sigurado na raw itong magaganap sa susunod na taon.

May mga taga-showbiz daw na kasali sa entourage ng kasal dahil marami silang kaibigan sa mga kasamahan sa trabaho.

Nag-propose si Billy, 35, kay Coleen, 24, noong December 2016, pero dahil marami pa silang mga commitment, hindi agad nila mai-set ang petsa ng kasal. Sila ay naging officially mag-on noong 2014.

Bago si Coleen, si Billy ay naging boyfriend ni Nikki Gil sa loob ng mahigit limang taon bago sila nag-break. Si Nikki ay balitang buntis na ngayon sa napangasawa nitong businessman na si BJ Albert.

Samantala, nagsampa ng reklamo si Coleen laban sa isang dating pulis na naka-enkwentro nila ng kanyang driver nang nagkabanggan ang kanilang mga sasakyan sa Makati. Nagtamo daw ng galos sa mukha ang aktres nang tangkain siyang saktan ng pulis, mabuti na lang daw at naisara niya agad ang pinto ng kanyang van. Tinakot pa daw siya nito na  babarilin sila, bago umawat ang ilang marshal sa lugar, na inakala niyang mga pulis din.

MARIAN, HINDI PA SUSUNDAN SI ZIA
Matapos ang mahaba-habang bakasyon ni Marian Rivera, kasama ng asawang si Dingdong Dantes at anak na si Zia, balik trabaho na siya agad sa “Sunday Pinasaya” at sa bago niyang programang “Tadhana”, na tumatalakay sa buhay ng mga OFW. Malapit na rin niyang simulan ang bago niyang TV series.

Nagkita sina Marian at mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa Italy nang dumalo sila sa kasal ng kanilang kaibigang magazine editor at stylist na si Pam Quinones. Tuwang tuwa raw sina Ryan at Juday kay Zia, kaya nag-usap silang magkita-kita ulit, para makasama rin ang mga anak nilang sina Yohan, Lucho at Luna.

Na-enjoy rin ng husto ni Marian ang muli nilang pagkikita ng kanyang amang Espanyol, at pamilya nito sa Spain. Tuwang-tuwa daw ang kanyang mga kapatid sa ama sa pamangkin nilang si Zia.

Dahil kabi-kabila na naman ang trabaho ni Marian, hindi pa raw pwedeng sundan si Zia. Sa ngayon ay si Dingdong ang nag-aalaga sa anak nila habang hindi pa ito gaanong abala, pero hinahanapan din ng sapat na oras ni Marian na makasama ang anak sa araw-araw.

MELAI, LAGING PANALO 
Tila may kakambal na swerte ang komedyanteng si Melai Cantiveros.

Kamakailan, napanalunan nila ng kanyang asawang si Jason Francisco at anak na si Mela ang jackpot na Php1million sa Bet On Your Baby show ni Judy Ann Santos.

Sa unang pagsabak ni Melai sa showbiz, sumali siya sa reality show na Pinoy Big Brother (PBB). Tinanghal siyang big winner, na may premyong house and lot at Php2milyon, pero ang kalahati ng pera ay ibinigay niya sa napili niyang charity organization. Nagtuloy-tuloy ang showbiz career niya. Nakasama siya sa morning show ni Kris Aquino, at nakalabas din sa ibang TV show at pelikula. Maging nang mag-asawa at nagka-anak ay nakabalik agad din siya  sa limelight.

Sa pagsali niya sa first season ng “Your Face Sounds Familiar”, siya ang tinanghal na kampeon, at nagkamit ng premyong Php1milyon. Tinalo niya ang mga mas  beterano na sa showbiz na sina Jolina Magdangal, Karla Estrada, Nyoy Volante, Edgar Allan Guzman, Maxene Magalona, Tutti Caringal at JayR.

Sa kasalukuyan ay regular host si Melai sa “Magandang Buhay”, at co-host niya sina Karla Estrada at Jolina Magdangal. Kamakailan ay idinaos nila ang 1st anniversary ng kanilang programa, at timing ang kanyang muling pagbabalik matapos niyang isilang ang pangalawang anak na babae nila ni Jason.

Sa kabila ng mga ngiti at pagpapatawa niya sa show, maraming pagsubok na siyang  dinaanan, lalo na sa pamilya. Nagkahiwalay sila ni Jason, na inilabas pa sa social media ang kanyang mga hinaing, pero walang narinig na pangit na salita mula kay Melai sa kabila nito. Hindi niya siniraan ang asawa, at lalong hindi sinukuan, kaya ngayon ay masaya na uli ang kanyang pamilya.  

DIREK GIL PORTES, PATAY NA
Sumakabilang- buhay na ang dating batikang direktor na si Gil Portes sa edad na 71. Isinugod daw siya sa East Avenue Medical Center sa QC noong gabi ng May 24, pero dead on arrival na ito.

Agad nagbigay pugay sa social media ang kanyang mga kasamahan sa industriya gaya nina Mel Chionglo, Adolf Alix, Senedy Que, Jose Javier Reyes at Alessandra de Rossi.

Isa sa pinakamahuhusay na director ng pelikula sa Pilipinas si Portes. Kabilang sa mga nagawa niyang pelikula ay ang “Miss X” (1980), “Never Ever Say Goodbye” ( 1983), “‘Merika” (1984), ”Bukas... May Pangarap” (1984), “Birds of Prey” (1988), ”Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina?” (1990), ”Minsan May Pangarap: The Guce Family Story” (1995), “Mulanay” (1996), “Homecoming” (2003), “Liars” (2003), at “The Mourning Girls” (2006).

Tatlo sa mga pelikula niya ang naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category ng Academy Awards: ”Saranggola” (1999), ”Gatas sa Dibdib ng Kaaway” (2001), at ”Mga Munting Tinig” (2002).

Siya rin ang nagdirek ng Markova: “Comfort Gay” (2000), na pinagbidahan ng yumaong Comedy King na si Dolphy at mga anak na sina Epy Quizon at Eric Quizon.

Ang mga huling natapos niyang pelikula ay ang mga period film na ”Hermano Puli” (2016) at ”Moonlight Over Baler” (2017).

Si Portes ay nagtapos ng kursong journalism sa University of Santo Tomas, at nag-aral ng theater arts sa Brooklyn College sa Amerika. Bago naging director, nagtrabaho din siya sa ilang malalaking advertising firtrams.

Don't Miss