Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Lensational Hong Kong

03 June 2017

Ang mga miyembro ng Lensational Hong Kong kasama ang kanilang mga tagapag-gabay.


By William Elvin

Karaniwan na ngayon sa mga Pinoy ang mamasyal na may dala-dalang camera. Hindi na kasi katulad ng dati na mabigat ang camera at mahirap dalhin. Maraming camera ngayon ang maliit ngunit magandang kumuha ng litrato. Pati mga telepono ay puwedeng pwede nang gamitin, lalo na kung selfie ang pag-uusapan.

Bagamat usong-uso na ang “point and shoot” na istilo ng pagkuha ng litrato, marami pa ring mga Pilipino sa Hong Kong ang nagpipilit na pag-aralang mabuti ang sining ng pagkuha ng litrato. Kabilang sa mga ito ang grupong Lensational.

Ang Lensational ay binubuo ng mga Pilipina at Indonesian domestic workers na patuloy na naghihinang ng kanilang mga talento sa paghawak ng camera. Nguni’t hindi lamang sining ang nabubuo sa mga kasapi sa grupo. Sa bawa’t litratong kinukuha nila ay nabubuksan din ang kanilang mga isipan tungkol sa mahalagang adhikain: Ang kahalagahan ng kababaihan sa modernong lipunan.

Itinatag ng magkaibigang sina Bonnie Chiu at Peggy Tse ang Lensational noong ika-8 ng Marso taong 2013, na siya ring petsa ng International Women’s Day. Hangad nila na palaganapin ang paniniwala na ang potograpiya ay isang paraan ng komunikasyon na hindi kailangan ang salita para magkaunawaan, kaya’t maaari itong makapagbuklod ng kahit sino, saan man sa mundo. Sa pagbuo nito, minabuti ng magkaibigan na gamitin ang grupo upang mai-angat ang estado ng mga kababaihang hindi gaanong binibigyan ng pansin o papuri ng lipunan, gaya ng mga domestic helper.

Kabilang sa mga Pilipina sa Hong Kong na pinagbuklod ng Lensational sina Joan Pabona, Leeh Ann Hidalgo, Roselle Morado, at Vangeline Challoy. Mula nang sila ay nagtagpo-tagpo ay nakalilikha ng iba’t ibang kulay at kwento sa pamamagitan ng mga larawan.

Nabalitaan nina Joan at Leeh Ann sa Facebook ang libreng programa ng Lensational na nagtuturo ng potograpiya sa mga kababaihan dito sa Hong Kong mahigit isang taon na ang nakalipas. “Maganda yung program nila kasi nagpo-promote sila ng gender equality at nagfo-focus sila sa domestic workers,” ayon kay Leeh Ann. Nang mapatunayan din ni Joan ang mabuting naidudulot ng programa, kinalaunan ay isinama niya na rin ang kanyang kaibigang si Roselle.

Graduate naman si Vangeline ng financial literacy program ng grupong Enrich dito sa HK. Nang mapansin ng kanyang mga kasama na mahilig siyang kumuha ng mga litrato, ini-rekomenda sa kanya na sumali sa Lensational upang lalo pang mahasa ang kanyang talento.

“Sa basics sila nag-fofocus, kasi karamihan sa aming mga domestic workers, parang intro pa lang ang alam,” kwento ni Joan tungkol sa mga unang klase nila. Wala ring sariling mga camera ang ilan sa kanila, kaya’t libre silang pinapahiram ng grupo upang matulungan silang matuto.

“Classroom set-up siya kasama ng mga volunteer mentors,” paliwanag ni Leeh Ann.  “Marami kasi sa amin, basta pitik lang nang pitik, hindi naman namin alam yung mga terms,” dagdag niya. “Kaya nakakatulong yung discussions, kasi maraming nalilinawan.”

Isa sa mga larawang kuha ni Joan Pabona
“Minsan din, akala mo okay na ‘yung kuha mo, pero parang may kulang,” paliwanag ni Joan. “Kaya tinuturo nila ‘yung tamang framing, at kung gaano ka-importante ang ilaw,” kwento pa niya.

“Mayroon ding pag-critique,” dagdag ni Roselle. Hindi lamang daw ang kanilang mga tagapag-turo ang nagbibigay ng komento upang mapaganda pang lalo ang kanilang mga kuha. Nagbibigay din daw sila ng kanilang mga kuro-kuro sa gawa ng kanilang mga kaklase, kaya’t natutulungan din nila ang isa’t isa.

“Ang pinaka na-build sa akin ay ‘yung self-confidence,” pahayag naman ni Vangie. “At saka dati, hindi ko alam kung anong meron dyan sa pagkahilig sa camera,” wika niya. “Pero ngayon, sinasabi ko na sa mga tao na huwag mamaliitin ang mga camera-woman.”

Isa sa mga larawang kuha ni Leeh Ann Hidalgo.
Kahit na nakapag-sanay na rin si Roselle sa digital cameras, patuloy pa rin siyang namamangha sa ilan sa mga ibang uri ng potograpiya na natutunan niya sa Lensational, kagaya ng paggamit ng pinhole camera. “Biruin mo, sa isang small box, makakakuha ka ng litrato,” sabi niya.

Magandang halimbawa ang mga kasapi ng Lensational sa paggawa ng makabuluhang bagay habang nagtatrabaho sa Hong Kong. Patuloy nilang pinalalawig ang kanilang kaalaman at talento.

“Masarap ang feeling kapag nakikita mong ina-appreciate ng iba ang gawa mo,” payo ni Roselle. Malaking patunay nito si Joan, na kasalukuyang nag-aambag ng kanyang mga litrato sa diyaryong Manila Bulletin sa Pilipinas. Na-tampok na rin ang ilan sa mga litrato ni Leeh Ann sa iba’t ibang mga pahayagan at website sa Hong Kong.

Sumasang-ayon silang lahat na malaki ang maitutulong ng pag-aaral ng potograpiya sa mga Pilipinang nagtatrabaho sa Hong Kong gaya nila.

“Yung pina-pambili nila ng alak sa alley-alley, pwede na nilang ipambili ng camera pag inipon,” pahayag ni Vangie.

Nabanggit din nila na maaari ring mapagkakitaan ang pagkuha ng mga larawan sa mga mahahalagang okasyon gaya ng kasal, kapag nakauwi na sila sa Pilipinas.

Inaanyayahan nila ang kanilang mga kababayan na sumubok sa pag-aaral ng potograpiya kasama nila. “’Yung skills, naniniwala akong lahat naman mayroon niyan,” sabi ni Leeh Ann. “Kailangan lang hasain.”

Sa mga interasadong sumali, padalhan sila ng mensahe sa Facebook: www.facebook.com/lensational.org, o hanapin ang Lensational sa search box ng FB. Maaari ring makita ang ilan sa kanilang mga kuhang larawan sa http://photos.lensational.org, o sa pagsama sa kanilang gaganaping “photo walk” sa ika-25 ng Hunyo. Bukas ito para sa lahat ng gustong bumisita. Abangan na lamang ang karagdagang mga detalye sa kanilang Facebook Page.

Don't Miss