Ni Vir B. Lumicao
Nakababahala ang inilahad ng isang NGO na isa sa bawat pitong babae sa Hong Kong ay naging biktima ng karahasang seksuwal, ayon sa isang survey na isinagawa nito.
At lalong nagdudulot ng pangamba ang natuklasan sa pag-aaral ng Rain Lily noong 2013 na sa 933 na naging biktima ng panggagahasa o panghahalay, 121 lamang ang naglakas-loob na nagsumbong sa mga awtoridad.
Para sa isang mayaman at makabagong lungsod na kilala sa mundo bilang isang matagumpay na pumuksa sa kabulukan sa gobyerno at sa pribadong sektor, isang malaking batik sa karangalan ng Hong Kong ang natuklasan survey.
Ito ay nagpapakita na sa kabila ng ibayong kaunlarang natamo ng lungsod na ito ay nananatili pa ring hindi ligtas ang malaking bahagi ng populasyon nito na 7.3 milyon – ang kababaihang kabalikat ng kalalakihan sa pagpapasulong sa pag-unlad at higit pang pagyaman ng lugal na ito.
Naalarma sa survey ang Rain Lily, isang grupong tumutulong sa mga migranteng kababaihan na nagiging biktima ng karahasang seksuwal. Lalo pa itong nag-alala dahil 87% ng mga biktima ay hindi kumibo at pinili na lang na manahimik sa kabila ng sinapit nila.
May sapat na batas ang Hong Kong upang protektahan ang mga mamamayan at iba pang mga nakatira sa lungsod na ito laban sa mga magsasamantala sa kahinaan ng maliliit na miyembro ng komunidad.
Mayroon din itong pulisya na nakilala bilang pinakapropesyunal at pinakadisiplinadong puwersa ng kapulisan sa buong daigdig.
Ngunit sa kabila ng pagkakaroon ng Hong Kong ng modelong hudikatura at pulisya ay nangyayari pa rin ang mga krimeng tumitimo sa puso ng lipunan, ang panghahalay sa puri ng kababaihan.
Higit pang nakababahala ang pangyayaring ito dahil ang panggagahasa at iba pang paglulugso sa puri ng mga babae ay nagaganap hindi sa mga kalye, kungdi sa loob ng mahigit 2 milyong mga tahanan sa lungsod na ito.
Ang ibig sabihin, ang karamihan sa mga salarin ay iyong mismong mga taong kasama ng mga biktima sa kanilang tahanan – mga miyembro ng pamilya, ibang kamag-anak o mga kaibigang nakikipisan sa kanila.
Nakababalisa sa ating mga dayuhang manggagawa rito sa Hong Kong ang natuklasan ng survey dahil malaking bilang ng mga kababaihan natin ang naghahanap-buhay sa loob ng mga tahanang iyan, walang kasama at kakamping kamag-anak.
Sila ay mahina at walang kalaban-laban doon.
Ilan na ang naganap na panggagahasa at panglulugso sa puri ng mga dayuhang katulong sa loob ng mga bahay dito ngunit walang nakasaksi dahil kadalasang nagaganap ang krimen kapag ang salarin at ang biktima lamang ang nasa bahay.
Pagdating sa hukuman ay nahihirapan ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ng salarin dahil sa kawalan ng saksi at kahinaan ng ebidensiya.
At dahil ang batas ay pantay, kailangang mapatunayan ng walang bahid ng pagdududa ang pagkakasala ng isang tao.
Ang tanging pananggalang ng ating mga kababaihan sa banta ng karahasang seksuwal, maging sa lugal na pinaglilingkuran o sa labas ng tahanan, ang pag-iwas sa mga posibleng manghalay sa kanila, at ang agarang pagsusumbong sa pulisya kapag sila ay ginawan ng masama. Huwag rin silang mahihiyang magsabi sa mga kamag-anak at mga kaibigan dahil hgit nilang kailangan ang suporta ng malalapit sa kanila.
Kapag pipiliin ng mga biktima ang magtiis at manahimik dahil sa takot na mawalan ng trabaho, kahihiyan sa madla, at pangambang mapulaan o kutyain sila, hindi mapupuksa ng mga awtoridad ang halimaw na nakatago, at naghihintay sa susunod nilang biktima.