Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ang Louvre sa Hong Kong

03 June 2017

Ni Marites Palma 

Nais mo bang masilayan ang mga obra maestra ng mga pinakatanyag na pintor sa buong mundo na makikita lamang sa Louvre museum sa Paris? Hindi ka man makapunta doon maari mo pa ring masilayan ang museo na ito nang hindi umaalis ng Hong Kong.

Mula kasi Mayo hanggang sa Hulyo ay makikita ang exhibit na may pamagat na

“Inventing Le Louvre: From Palace to Museum over 800 years, “sa Hong Kong Heritage Museum sa Shatin.

Mula sa pagiging tanggulan na may makakapal na pader noong 1190 hanggang sa gawin itong palasyo ni King Charles V at sa paglaon ay naging museo, ang Louvre ay isa sa pinakasikat na puntahan ng mga turista sa Paris ngayon.

Makikita sa exhibition sa Hong Kong Heritage Museum ang mahigit 120 piraso mga obra na galing sa lahat ng ng malalaking departamento ng Louvre. Ang mga naturang obra ay nagsisilbing paalala sa mahalagang papel na ginampanan ng museo sa kasaysayan ng France sa loob ng nagdaang 827 taon

Sa pakikipagtulungan ng HK Heritage Museum, hinati-hati sa iba-ibang serye ang exhibit para mas madaling maunawaan ng mga turista, kabilang ang mga kabataan. May programa din para sa edukasyon, pagsasadula ng mga makasaysayang pangyayari at pagsasanay.

Sa education zone ay makikita ang “Director Denon’s World of Wonders, ang koleksyon ni Dominique Vivant-Denon, na siyang itinalaga ni Emperor Napoleon Bonaparte bilang kauna-unahang director ng Louvre. Ayon sa salaysay, si Denon ang nangolekta  ng kayamanan  para sa Museo habang naglalakbay si Napoleon sa iba pang parte ng Europa at sa Egypt.

Sa misteryosong World of Wonders ay madidiskubre ang mga iba’t ibang koleksyon na may kasamang nakabibighaning kwento, at sa pamamagitan ng interactive na programa at palabas ay magkakaroon ng kaalaman tungkol sa ibang world-class museums. Dito ay mayroon ding “time machine” na magdadala sa mga turista sa isang kakaibang paglalakbay kung saan makikita nila ang mga taong sangkot sa pagbuo ng Louvre at pati na ang Forbidden City sa China. Sa parteng ito matutunan ang pagkakatulad ng pagsulong ng dalawang bantog na palasyo ng dalawang bansa. Sa paraang ito ay nabibigyan ng liwanag ang pagpapalitan ng kultura ng dalawang bansa na parehong mayaman ang kultura. Bagaman kakikitaan ng malaking pagkakaiba sa pagkagawa at gusali ang Louvre at Forbidden City ay mababanaag ang matagal ng kasaysayan ng France at China. Sa huli, ang dalawang palasyo ay parehong naging pampublikong museo.

Ang guided tour ay mag-uumpisa sa Director General ng Louvre, pagbubukas ng mga pintuan, oras at espasyo mula sa mga daan daang taong lumipas sa magkaibang panahon ng Louvre at Forbidden City na isasabuhay ng mga propesyonal na mga artista ng Hong Kong, na makikisalamuha at makikipagkwentuhan tungkol sa mga bagay na nagkakapareha ng dalawang bansa.

Ipapasyal ng mga nakatalagang staff ng museo ang mga kalahok sa exhibition galleries at ipinapaliwanag ang bawat exhibit para maunawaang lubos ang kasaysayan ng Louvre sa loob ng mahigit 800 taon.

Ang schedule para sa guided tour ay ang mga sumusunod na petsa: May 6, May 13, May 27, June 3, July 1, July 8, July 15 at July 22, 2017, lahat ay Sabado. Unang session; 4-5pm, pangalawang session; 4:15 -5:15pm, pangatlong session; 4:30- 5:30 pm; pang-apat na sesyon; 4:45 -5:45 pm. Binubuo ng 25 na mga katao ang bawat session, maaaring magpalista 30 minuto bago mag-umpisa ang bawat session. Ang tour service counter ay matatagpuan sa ground floor, first come first served at mayroong hawak na admission ticket na nagkakahalaga ng $20.

Nitong Mayo 28 ay nagkaroon ng  lecture na may temang “Understanding More About Louvre from Multiple Perspective”. Ginanap ito sa theatre na nasa unang palapag ng museo mula 3:30-4:30 ng hapon.

Ang Department of Paintings ng Louvre ay mayroong pangunahing collection na nagmula hindi lang sa France, kundi pati sa Italy, Spain at iba pang bahagi ng Europe. Isa sa pinakatanyag na obra sa museo ang “Mona Lisa” ni Leandro da Vinci.

Isa mga tagapagsalita sa lecture ay si Professor Ho Siu-Kee ng Fine Arts Dept. ng  Chinese University of Hong Kong. Siya ang magpapaliwanag tungkol sa kahalagahan ng obra na masisilayan, pati na ang mga iskultura mula sa Ancient Greek at Roman civilizations, mga pangunahing paraan para higit na pahalagaan ang mga display sa loob ng Louvre.

Si Prof Wang Weijen ng naman ng Dept of Architecture ng Hong Kong University ang magsasalita para sa temang “The Louvre and The Palace Museum. Ang mga naging pagbabago sa mga gusali ng Louvre ang kanyang ipapaliwanag. Mula sa moog na itinayo ni Philip Augustus, hanggang sa pagiging palasyo nito umpisa sa ilalim ni Charles V noong 14th century, at ngayon sa modernong disenyong pyramid na gawa ng sikat na American-Chinese architect na si I.M. Pei.

Isisiwalat din ng tagapagsalita kung paano nagiging museo ang mga pampublikong gusali bilang pagpapaliwanag sa koneksiyon ng mga makasaysayang kultura sa makabagong panahon. Ang exhibit ay magtatapos sa July 24.

Para marating ang Heritage Museum, sumakay lang ng MTR at bumaba sa Che Kung Mui station (kasunod lang ng Shatin station) at kunin ang exit A. Dumiretso ng lakad hanggang marating ang museo.

Don't Miss