Sa unang 10 buwan ng pamahalaang Duterte ay patuloy pa rin ang neoliberalismo na umiral noon pang panahon ng mga dating administrasyon sa mga patakaran sa ekonomiya, lalo na sa paggawa, na siyang ugat ng malawak na kahirapan sa Pilipinas.
Ito ang isinisigaw ng mga progresibong manggagawang Pilipino sa mga protestang ginanap nila sa iba’t ibang lugar sa bansa at sa Hong Kong nitong nakaraang Mayo Uno.
Ang neoliberalismo ay isang patakaran sa pangangasiwa ng ekonomiya ng bansa na nagbibigay ng lubus-lubos na kalayaan sa mga kapitalista sa pagpapalago ng kanilang negosyo, kahit na masakripisyo ang kapakanan ng mga mamamayan.
Tinutuligsa ng mga progresibo ang “10-point economic agenda” ng lupong pangkabuhayan ng pamahalaan dahil patuloy diumano nitong kinakatigan ang bigong pananaw na ang pagpapairal ng pinakamabuting kundisyon para kumita ang malalaking negosyo ay siyang tamang istratehiya sa pagpapayabong sa ekonomiya.
Gayunman, hindi nito madudulutan ng pangkabuhayan at panlipunang kaunlaran ang nakararaming masa ng mga mamamayang Pilipino, ayon sa pagtatasa ng Ibon Foundation sa unang 100 araw ng administrasyong Duterte.
Pinawawalang-bisa at taliwas ang ganitong patakaran sa mga pahayag ni Pangulong Digong na siya ay makamahirap at maka-Pilipino, ayon sa nasabing ulat at siyang iginigiit hanggang ngayon ng mga progresibong sektor ng sambayanan.
Nitong nakaraang Araw ng Paggawa, hinalungkat ng mga progresibong manggagawa sa pamumuno ng Bayan Hong Kong & Macau at Unifil-Migrante HK ang mga diumano ay “ubod ng mga paglabag sa mga karapatan, lubusang nagpapahirap at nagsasamantala sa mga manggagawa, at nagpapatindi sa puwersahang migrasyon ng maraming mga manggagawang Pilipino”.
Isinisi nila sa pagkapit ng kasalukuyang gobyerno sa neoliberalismo ang pananatiling mababa ng sahod at benepisyo ng mga mangggagawa, ang pagkitil sa kanilang karapatang magbuklod at kumilos, at pagdami ng mga Pilipinong walang trabaho na siya namang ipinadadala ng pamahalaan sa ibang bansa.
Ayon sa Bayan, nababakas ang neoliberalismo sa pagpapapasok sa mga higanteng kumpanya sa pagmimina, pagbaha ng mga produktong agricultural mula sa ibang bansa, ang public-private partnership sa pagpapatayo ng mga proyektong imprastruktura, ang pagbebenta ng mga serbisyo sa mga pribadong negosyo, ang pagluluwag sa mga patakaran sa paggawa, at ang sistematikong pagbebenta ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.
Sinabi ng Bayan, nananatiling mababa ang sahod, walang seguridad sa trabaho at kitil ang karapatan ng mga manggagawa dahil sa neoliberalismo.
Dahil sa mga ibinubunga nitong higit pang kahirapan, napipilitang magtungo sa ibang lugar tulad ng Hong Kong ang mga migranteng manggagawa kung saan sila ay nagiging biktima ng diskriminasyon at pagsasapuwera ng gobyerno sa mga usapin sa sahod at haba ng oras ng trabaho.
Sa pagsusuri naman ng Ibon sa planong pangkabuhayan ng gobyernong Duterte, natuklasan nito ang mga sumusunod na negatibo: 1) kawalan ng suporta sa maka-Pilipinong industrialisasyon; 2) ang istratehiya sa kabuhayan ay nakatuon sa paghikayat sa mga dayuhang negosyante para magtayo ng mga kumpanyang kakaunti ang maidaragdag na halaga o ipapailalim nila ang maliliit at katamtaman ang laking mga kumpanyang Pilipino sa kanilang global value chain; 3) patuloy na pakikipagnegosasyon ng pamahalaan para sa mga di-patas na free trade agreement; 4) ang economic team ay kumikiling sa malalaking negosyo at iba pang piling interes; 5) patuloy nitong kinakatigan ang PPP; at 6) binabalak ng Department of Finance na bawasan ang buwis ng malalaking negosyo ngunit tataasan ang buwis ng mahihirap.
Ayon sa Ibon nakita na natin ang hindi magandang epekto ng neoliberalismo noong panahon ng pamumuno ni Pangulong Benigno Aquino III: dahil sa suporta ng pamahalaan sa malalaking negosyo, mabilis na umunlad at tumubo ang mga iyon at lalong yumaman ang iilang tao ngunit lumala ang problema sa kawalan ng trabaho, bumaba ang kalidad ng trabaho at milyun-milyong Pilipino ang nanatili sa kahirapan.