Nakiusap si Ana na kahit iyong HKID na lang niya ang ibalik dahil napakaimportante nun sa kanyang pagbabalik sa trabaho sa Hong Kong ngunit walang lumapit para magsauli ng telepono niya. Sa awa ay sinabihan siya ng drayber na iwan ang cellphone number ng kanyang mister at baka sakaling makonsiyensa pa rin ang nakapulot at ibalik kahit iyong HKID lang niya.
Bumalot ang malaking takot kay Ana dahil hindi niya alam kung ano ang isasagot niya pagbalik niya sa Hong Kong at harangin siya sa immigration dahil wala siyang maipakitang HKID. Kumalma lang siya nang kaunti nang sabihan siya ng isang kaibigan na ireport agad sa pulis ang pagkawala ng kanyang HKID, at gumawa ng affidavit of loss sa tulong ng isang notary publiko para iyon ang ipakita sa HK Immigration bilang katibayan ng pagkawala ng kanyang ID.
Mabuti na lamang at may photocopy ang kanyang HKID na naitago niya sa lagayan ng kanyang mga mahahalagang dokumento para gawing patunay sa pagkawala nito.
Paalala ng kanyang kaibigan, sa susunod ay itago na niya ang kanyang HKID sa bag at nang hindi ito madaling mawala, at ingatan ang iba pang mga mahahalagang gamit at dokumento katulad ng telepono, pasaporte at air ticket para hindi magka-aberya ang kanyang pagbabiyahe.
Nangako naman si Ana sa sarili na dodoblehin niya ang pag-iingat sa susunod na pag-uwi niya.
Si Ana ay isang Ilokana, may asawa at mga anak. – Marites Palma