Ni Gina N. Ordona
Alisin ang batas militar.
Ito ang maigting na panawagan ng mga migrante sa HK kay Pangulong Rodrigo R. Duterte sa isang kilos-protesta na pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Hong Kong and Macau sa tapat ng gusali ng Konsulado noong ika-28 ng Mayo.
Ang pagdeklara ng batas militar sa Mindanao, ayon sa tagapangulo ng Bayan HK and Macau na si Eman Villanueva, ay hindi solusyon sa nagaganap na kaguluhan sa Marawi City. Sa halip ay mas titindi ang kaguluhan, magkakaroon ng malawakang paglabag sa karapatang pantao at tiyak na maraming mga ari-arian ang mawawasak sa Marawi City at sa kalakhang Mindanao.
“Kayat napakahalaga na ang mamamayang Filipino, saan man tayo naroroon, ay manindigan laban sa deklarasyon ng martial law,” sabi ni Villanueva.
Naniniwala ang grupo na sapat na ang puwersa ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at kapulisan para sugpuin ang maliit na grupo ng Maute at pati na rin ang Abu Sayyaf.
“Sama-sama po natin na ipanawagan sa gobyerno ni Duterte na ang pakinggan niya ay hindi ang mga huwad, ang mga pasista, ang mga ultra-kanan at militaristang mga heneral na nakapaligid sa kanya,” sabi ni Villanueva.
Dapat maipaabot sa pangulo na ang dapat niyang pakinggan ay ang mga mamamayang nananawagan ng tunay at pangmatagalan na kapayapaan.
Dahil sa deklarasyon ng martial law, naantala ang dapat sana ay pang-lima nang paghaharap ng gobyerno ng Pilipinas at ng mga kinatawan ng National Democtratic Front sa nagaganap na usapang pangkapayapaan, ika niya.
Sinabi ni Villanueva na dapat igiit na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan lalo na dahil ang nakasalang na usapin o agenda ay ang pagbabagong sosyal at pang-ekonomiya para alisin ang ugat ng kahirapan at inhustisya na siyang pinagmumulan ng armadong tunggalian sa Pilipinas.
Ito daw ang dapat na mangyari kung nais ng gobyernong Duterte na maitala sa kasaysayan ng Pilipinas na siya, kagaya ng sinasabi nito, ay isang pangulo ng kapayapaan at hindi ng digmaan.
Sa gitna ng digmaan, kailangang tiyakin na ligtas ang buhay at ari-arian ng mga mamamayan sa Marawi. Kailangan ding maipaabot ang mga serbisyo sa mga mamamayang lumikas mula sa kanilang komunidad dahil sa laganap na pambobomba o aerial bombing na ginagawa ng mga sundalo.
Binigyang diin ni Dolores Balladares na tinutuligsa ng kanyang grupo ang pagsalakay ng Maute group at dapat itong managot, pero hindi tama na pairalin ang batas militar sa Marawi o sa buong Mindanao.
Base na rin kasi sa naging karanasan noong panahon ni dating-pangulong Ferdinand Marcos, kailan man ay hindi naresolba ng batas militar ang karahasan at kriminalidad sa bansa. Sa halip daw ay lumala ang paglabag sa karapatan ng mamamayan na mabuhay ng maayos.
Nanawagan din si Balladares sa mga kababayan sa HK na hindi nauunawaan ng lubos ang pagtutol sa martial law: “Hindi po ito usapin ng pagiging pro o anti Duterte kung hindi ang mga biktima ng karahasan sa Marawi, Mindanao at buong Pilipinas,” ani Balladares.
Nakiisa rin sa panawagan si Shiela Tebia, chairperson ng Gabriela Hong Kong.
Sa martial law, binigyan lang ng gobyerno ng mas malawak na kapangyarihan ang militar at gamitin ito para sa paglabag ng karapatang pantao.
“Karamihan po sa nalalabag ay buhay ng mga kabataan, kababaihan at maliliit na kababayan sa mga lugar ng digmaan,” sabi ni Tebia