Isang amo ang naparusahan dahil sa pagpakita ng ari sa kanyang Pilipinang DH, na natakot na baka siya’y magahasa. Sa simula ng kaso ay hindi pinaniwalaan ng prosecutor ang Pinay pero nagpursigi ito, hanggang umabot sa korte, at napatunayang may sala ang amo. Sa katapusan, inutusan ng District Court na magbayad ang amo ng danyos na $210,000 sa DH sa pambabastos niya. Isa sa mga ebidensiya ay ang video na kuha ng DH gamit ang kanyang telepono, na nagpapakitang inilalabas ng amo ang kanyang ari.
May isa pang Pinay, si Mildred N. Ladia, na pinagbintangan ng amo na nagnakaw ng meatball, dahil ito ay kinain niya at ng kanyang alaga, na sariling ina ng amo. Kinaltas na ang $100 mula sa suweldo ng Pinay para sa nakaing meatball, pero idinemanda pa rin siya. Sa korte, walang nagawa ang hukom kundi pagmultahin siya ng $800, dahil ito ay kaso ng pagnanakaw at umamin si Ladia.
Ang masakit, umuwi na si Mildred at itinigil ang pag-apela sa kaso para linisin ang kanyang pangalan, na kailangan para makabalik siya sa Hong Kong, at ang paghabol ng iba pa niyang benepisyo. “Gusto ko nga po sana, pero maghintay na naman ako ng matagal kasi po wala nga akong work,” ika niya. Isang taon na nga naman siyang walang kita dahil sa kaso.
Nai-ban na ng mga konsulado ng Pilipinas, Indonesia at Thailand ang amo niyang si Gekko Lan Suet-ying, na isang barrister, upang hindi na makakuha ng DH mula sa mga bansang ito. Pero ang tunay na isyu — ang maling pagtrato sa mga DH sa Hong Kong — ay hindi na resolba.
Hindi natin maikakaila na may mga DH na minamaltrato at kalimitan ay isinisikreto nila ito mula sa puwedeng makatulong sa kanila. May hindi pinapakain ng tama, may sinasaktan, may inaalipusta. Masama man ang loob ay tinatanggap nila ang lahat ng ito dahil sa takot mawalan ng trabaho.
Dapat mamulat na ang mata nating lahat sa katotohanang hindi tayo maapi kung hindi tayo magpapaapi. Mahirap bang kumatok sa kapitbahay na Pinay, o tumawag sa Konsulado, sa pulis at mga NGO para magsumbong? Kailangan pa ba na may buhay na nakataya?