Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

For good na nga ba?

08 May 2017

Ni Liezl Mercado

Hanggang kailan nga ba talaga ang dapat na pangingibang bansa? Ilang taon nga ba ang dapat na bunuin para matupad lahat ng gustong makamit sa buhay? Ikaw, naalala mo pa ba kung ilang taon lang ang binalak mo na mangibang-bayan bago ka umalis ng Pilipinas? Dalawang taon? Apat o hanggang anim na taon? Kumusta na? Asan ka na ngayon kababayan?

Hindi ako naiiba sa karamihan.

Bago ako umalis sa Pilipinas ay sinabi ko sa sarili ko na hanggang dalawang taon lang ako; mag-iipon lang para may pampuhunan. Pero nang matapos ko ang unang kontrata, naisip kong isa pa! Sayang naman at mabait ang amo, at madami ang nagpapakahirap sa Pilipinas para makaalis lang ng bansa. Mga ganyang bagay ang pumasok sa isip ko noon. Natapos ang pangalawang kontrata, at nagpasya akong pumirma ulit ng pangatlo dahil hindi pa tapos ang bahay, at may iba pa akong obligasyon. Dumami nang dumami ang mga gusto kong makamit, at dumami din ang mga responsibilidad na hindi naman kasama sa unang plano ko. Madami pang ibang plano ang nabago na bunga na rin ng desisyon na mangibang bansa.

Nakalipas ang 17 taon nang hindi ko namamalayan. Pero dumating sa punto na tinatanong ko ang sarili ko na hanggang kailan nga ba talaga ang pagho-Hong Kong? Magkano ba talaga ang dapat kong maipon para masabi kong sasapat na sa pagpo for good?

Sa kabila ng 17 taong pangingibang bansa, hindi ko masabi kung nagtagumpay na ako. Madami ang pagkakataon para mapaunlad ko pa lalo ang sarili ko, pero paano ang pangarap ko kung di ako maglalakas loob na umuwi na at sundin ang plano kong magtayo ng sariling negosyo?

Noong nalaman ng iba na magpo for good na ako, iba-ibang reaksyon ang narinig ko.

Merong nagsabi na ano ba daw ang nakain ko at naisipan ko umuwi? Babalik din daw ako after one year dahil ganun daw talaga ang madalas na nangyayari. Meron din namang nagsabi ng, “buti ka pa pauwi na”. Sila yung sumasaludo dahil sa lakas ng loob ko at hangad ang tagumpay ko sa pagbabalik-bansa.

Bilang isang domestic helper/driver, hindi biro ang ginawa kong desisyon dahil bukod sa mataas ang palit ng dolyar sa piso ngayon, nandoon din iyong tumalon ka ng trabaho mula sa malaking sahod kapalit ng kita na halos kalahati lang ng dati. Gayunpaman, masasabi kong maswerte pa din ako dahil hindi lahat ng mga bumabalik na OFW ay may nadadatnang trabaho. Maraming pagba-bago sa buhay ang nararanasan ko sa ngayon, pero pilit kong nilalabanan ang panghihinayang para lagi akong maging matatag. Nasanay na din kasi ako sa sa sistema ng buhay sa Hong Kong kung saan ay walang trapik, at mabilis kang nakakarating sa paroroonan. Sa Pilipinas madaming oras ang nasasayang sa biyahe pa lamang. Higit sa lahat, sa Hong Kong ay ligtas kang naglalakad at hindi mo iniisip na baka madukutan ka o maagawan ng cellphone. Nasanay din akong sumasahod ng neto na, o walang kaltas, dahil hindi ako kailangang magbayad ng upa ng bahay, kuryente, at tubig.

Nandito pa din ang takot at pangamba, at naiisip ko din kung maiiba ang kapalaran ko sa mga nauna ng nagbalak na nag for good pero hindi rin nagtagal sa Pilipinas. Ang tanging nagbibigay ng lakas sa akin ay ang katotohanang di permanente ang buhay sa Hong Kong. Uuwi at uuwi din tayong mga migranteng manggagawa. Ayokong umuwi na huli na ang lahat dahil hindi ako naglakas-loob na sumubok na ipaglaban ang aking mga pangarap. Ayokong umuwi na sakitin na ako o kapag mas minalas, ay naka-kahon na. Ano pa ang halaga ng lahat ng iyong pinagpaguran kung hindi mo din mae-enjoy, at makasamang muli ang iyong pamilya?

Mas pinili kong maging matapang na lumaban sa buhay at sundin ang mga pangarap ko habang bata pa ako at may pagkakataon pang bumangon. Sakali mang hindi ako maging matagumpay sa itatayo kong negosyo, naniniwala pa rin ako na kahit saan ako mapunta, basta may sipag at tiyaga, ay mabubuhay ako. Taglay ko ang maraming karanasan na dulot ng pagtatrabaho sa Hong Kong sa loob ng 17 taon.

“For Good” na ba talaga ako? Nasa diskarte na lang yan! Mahirap man sa umpisa, pero mas masarap pa din ang manirahan sa sariling bayan, mainit at ma-traffic man, nag-uumapaw man ang mga masamang balita, kabilang na ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at pagtaas ng palitan sa dolyar. Totoo nga, “it’s more fun in the Philippines”.

Lahat naman tayong mga OFW ay sa Pilipinas din ang bagsak balang araw, kaya kailangan lang na paghandaan ang araw ng pag uwi. Paunlarin ang sarili, magtipid at mag-impok, at huwag maging kampante dahil walang forever sa Hong Kong. Huwag nating hayaan na tumanda tayo sa paninilbihan at umuwing bigo.

---

Nagbabalik sa pagsusulat para sa The SUN si Liezl Mercado, isang dating helper/driver at opisyal ng ROAD-HK, isang grupo ng mga kababaihang drayber sa Hong Kong. Noong isang buwan ay nagdesisyon siyang bumalik na sa Pilipinas para maging trainer ng Fair Training and Assessment Center para sa mga manggawang paalis ng bansa. Nagbalik-Pinas siya matapos ang 17 taong pagtatrabaho sa Hong Kong. Sa kanyang artikulo, sinagot ni Liezl ang tanong kung tama ba ang naging desisyon niyang mag “for good” na. Si Liezl ay dalaga at tubong Davao City.—Ed

Don't Miss