Ibalik na lang daw niya ang utang kapag nakaluwag na siya. Agad-agad ay pinahiram siya ni Cerila ng $3,000 at sinabing kung kailangan pa niya ay pahihiramin pa siya dahil may maghuhulog ng pera sa kanyang account noong araw ding iyon.
Ayon kay Cerila ay may kapatid siya sa Korea, at seaman naman ang kanyang asawa.
Ilang araw matapos iyon ay ginulat si Elda sa balitang nabasa niya sa The SUN tungkol sa ginawang panloloko ni Cerila sa maraming mga Ilonggo. Agad niyang tinawagan si Cerila para tanungin tungkol sa balita.
Matapang ang boses ng sumagot, at galit na sinabing hindi totoo ang balita. Pagkatapos nito ay lagi na siyang tinatawagan ni Cerila para singilin ang utang niya. Ang ginawa ni Elda ay nagpadala ng message sa sumulat ng balita para tanungin kung totoong nasa kulungan si Cerila.
Sinabi naman sa kanya na mismong mga pulis ang nagpaabot ng balitang ito sa mga taong nabiktima ni Cerila na nag-alok ng mga pekeng trabaho kapalit ng malaking halaga bilang placement fee.
Biglang natakot si Elda dahil kung totoong nasa kulungan si Cerila ay sino iyong tawag nang tawag sa kanya na naniningil? Ang ginawa ni Elda ay kinontak ang sinabi sa balita na pinakamalaki ang nawalang pera na si Alemar at sa kanya ibinalik ang $2,600 na natira sa utang matapos niyang ihulog ang $400 sa bank account ni Cerila. Ayaw na niyang madamay pa sa gulo. – Merly Bunda