Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Tulong ng mga DH laban sa krimen, dapat noon pa

20 April 2017

Ni Vir B. Lumicao

Pinulong kamakailan ng Hong Kong Police ang mga lider ng iba’t ibang grupo ng mga OFW upang hingiin ang kanilang tulong sa pagpigil sa krimen, lalo na yaong mga Pinoy na katulong ang siyang nabibiktima.

Positibo ang dating ng binabalak ng pulisya na “Crime Prevention Program”. Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang dumating noong Dekada 70 ang mga katulong na Pinoy ay ngayon lang naisipan ng mga alagad ng batas ang ganitong programa.

Binigyan-diin ng mga opisyal sa pagpupulong sa Central District headquarters sa Sheung wan na ang nasabing programa ay nakatuon sa mga kasambahay na Pinoy dahil sa laki ng kanilang bilang dito sa Hong Kong.

Ayon sa pinakakuling estadistika ng Immigration Department, umabot na ang bilang ng mga Pilipinong kasambahay sa Hong Kong sa 189,105.

Kung susumahin, ayon kay Leung, ganito kadami ang bilang ng mga tahanan na pinaglilingkuran ng mga DH na Pinay. Kung may tig-apat na katao ang bawat tirahan, lalabas na malaking bahagi ng 7 milyong populasyon ng Hong Kong ang masasaklaw nila kapag nakatulong ang mga kasambahay sa kampanya laban sa krimen.

Napapanahon ang bagong programa ng pulisya dahil nitong mga nakalipas na buwan ay may malalaking kasong kinasasangkutan ng mga katulong na Pinoy at sila mismo ang mga biktima.

Sa isang malaking kaso ng panlilinlang ng isang ahensiya sa empleo, ilang daang Pinoy na katulong ang nabiktima, bagamat nalaman ng pulisya na nabiktima rin ng panloloko ang ahensiyang iyon, ayon kay Leung.

Ang pinakahuling kasong kinasasangkutan ng mga katulong na Pinoy ay ang “loan sharking” o pagpapautang na labis-labis ang patubo, na nilansag ng pulisya kamakailan. Ang sindikato ay binubuo ng mag-asawang Intsik na “financier”, ang katulong nilang Pinay na “assistant” nila, at pito pang DH na tagakontak at tagapasa ng prendang pasaporte o kontrata ng mga nangungutang.

Maraming iba pang krimen na ang inaasinta ay mga Pinay na katulong dahil marunong silang mag-Ingles, tulad ng telephone scams, mga pyramid at iba pang panlilinlang at ang paglulunad sa programang nakatuon sa mga Pinoy DH ay para na rin sa kaligtasan nila, ayon sa pulisya.

Noong nakalipas na taon, halimbawa, sa 5,024 na biktima ng “assault and wounding’ o pananakit at panunugat ay 19 ang katulong na Pinay at ang may kagagawan ay ang mga amo nila, ayon sa estadistikang tinukoy ni Leung.

Bahagi ng nasabing programa ang pagbuo ng iba’t ibang lupon mula sa 58 kataong dumalo sa pulong na dadaan sa iba’t ibang pagsasanay tungkol sa mga batas ng Hong Kong, pagpapakilala sa kanila sa mga gawaing pulisya, at pagsasagawa ng mga pinagsanib na serbisyo sa komunidad.

Pagkatapos ng ilang pagsasanay ay magkakaroon ng pagtatapos ang mga miyembro ng programa kung saan sila ay gagawaran ng mga katibayan bilang mga “adult crime ambassador”, isang tanda na sila ay mga ganap na katuwang ng mga alagad ng batas kontra sa krimen sa komunidad ng mga Pinoy dito sa Hong Kong.

Tiniyak ni Leung na sa mga darating na panahon ay papalawakin nila ang bilang ng mga isasama sa programa sa kagustuhan ng pulisya na maisangkot ang bawat Pinoy na katulong sa kampanya laban sa krimen.

Sa bandang huli, aniya, ang ibubunga nga programang ito ay para sa kabutihan ng lipunan sa Hong Kong.

Sa aming pananaw at malaon nang dapat isinangkot ng pulisya ang mga OFW sa ganitong proyekto upang madama ng mga katulong na mayroon silang halaga sa lipunang ginagalawan nila, hindi lamang bilang mga kasambahay kundi mga tagapangalaga rin ng kaligtasan ng bawat isa.      
Don't Miss