Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

The Adventurers:

08 April 2017

Exploring the Dragon’s Back trail and Big Wave beach.


Ni Daisy CL Mandap


Lungkot ang nagtulak kay Analyn  Soriba para umpisahan ang isang grupo na walang gagawin kundi galugarin ang mga tago ngunit magagandang lugar sa Hong Kong para makalimot sa mga problema at mapanatili ang kalusugan.

Castle Peak Adventure
Siya daw kasi mismo ay dumaan sa mga pagsubok at pangungulila sa loob ng siyam na taong pananatili niya sa Hong Kong, at alam niyang malaki ang maitutulong ng pagliliwaliw na may kasamang ehersisyo.

Inumpisahan ni Analyn, isang dalagang tubong Batangas, ang grupong “The Adventurers” noong Setyembre 16 ng nakaraang taon. Ang pangunahing layunin daw nito ay ang mabigyan ng pagkatataon ang mga “na-i-stress” na magsaya kasama ang ilang kapwa migranteng manggagawa.
Ang sabi niya sa isang mensahe sa The SUN: “Marami po akong nababasa na balita tungkol sa mga OFW sa Hong Kong na nagpapakamatay due to depression, etc. Gusto ko po sanang ipaalam sa kanila na nandito ang The Adventurers para kahit paano ay makalimot sila sa kanilang problema.

Nature therapy is the best. Layunin po namin na hikayatin ang lahat na kung wala silang mapuntahan, makasama, at (kung) mahilig sila sa adventure, ay bukas po ang aming grupo sa lahat, any race.”
Dahil walang sariling grupo noon, naisipan ni Analyn na i-anunsyo ang balak na paglalakad sa account ng isang online shop, at laking gulat niya nang marami ang nagpahiwatig ng interes na sumama.

Agad-agad ay 47 katao ang nagkita-kita bilang tugon sa kanyang panawagan na mag hiking sa sumunod na statutory holiday. Naisip daw ni Analyn na sa mga araw ng piyesta opisyal ang lakad dahil hindi lahat ng kasambahay ay Linggo ang araw ng pahinga, ngunit karamihan ay pwede kapag sa mga araw na itinakda ng batas bilang dagdag na holiday nila.

Nguni’t sadyang nakakaaliw ang inumpisahan nilang pagkikita-kita para mamasyal kaya sa ngayon, kahit araw ng Linggo ay nagtatatag sila ng pasyal. Mga dalawa o tatlong beses sa isang buwan na daw sila namamasyal ngayon, ayon pa kay Analyn. Kadalasan ay umaabot sa 50 katao ang sumasama, ngunit may mga panahon din na iilan lang ang sumisipot, katulad sa pinakahuling lakad nila na 11 lang ang nakasama.

“So far po may 15 places na kaming napuntahan since Sept 16, our first trip, kabilang ang Lion Rock, Amah’s Rock, Sheung Luk Stream, Dragons Back/Big Wave, Grass Island, etc., sabi ni Analyn.
Nagtungo na rin silang sama-sama sa Shenzhen bilang parte ng kanilang “Window of the World” tour, at noong Dis 4, ay idinaos nila ang kanilang kauna-unahang Christmas party.

The group’s first Christmas Party
Sa darating na Abril 4, ang inaambisyon nilang marating ay ang pinakamataas na bundok sa Hong Kong, ang Tai Mo Shan na nasa New Territories. Inaanyayahan nila ang lahat na sumali sa kanila sa lakad na ito.

Tuwing may pasyal, kanya-kanya sila ng baon at nagsasalo-salo na lang kapag oras na ng kainan.
“No membership fee, no fee, kanya-kanya lang po ng gastos at pagkain”, sabi ni Analyn.
Bilang lider, sinisigurado din ni Analyn na may dala siyang lagi na first aid kit, bagamat sa awa daw ng Diyos ay hindi naman niya ito kinailangan sa loob ng anim na buwang pamamasyal nila.

Siya rin ang naghahanap ng mga bago nilang pupuntahan, at kapag may lugar na siyang nabanggit ay sama-sama nilang sinasaliksik kung paano pumunta doon. Sa kabila nito, madalas pa din daw silang naliligaw.

“Pero may mga sign naman sa daanan, kaya hindi nakakatakot,” sabi ni Analyn na natatawa. Bukod dito, nagiging dagdag kasiyahan na rin daw sa kanila ang mapagtanto na mali na ang kanilang tinatahak na lugar.

Bagamat kampante na sila sa isa’t isa, wala pa ring balak si Analyn na iparehistro ang grupo dahil ayaw niya na magkaroon ang bawat isa ng pakiramdam na may obligasyon silang dapat sundin. Hindi din daw niya gusto na humawak ng pera, dahil alam niyang maraming pagsasama ang nasisira ng dahil dito.

Sapat na raw na masaya silang sama-samang namamasyal, at sumali kapag may paanyaya ang ibang grupo na maglakad para makatipon ng pondo para sa pagtulong sa kapwa. Sa ngayon, may isang grupo na silang sinamahan, ang Fat Big Heart, na nagtatag ng isang charity walk noong Enero 29 para sa pagtatayo ng monumento sa Sai Kung para sa mga bayani ng ikalawang digmaan pandaigdig.
“Kung may mga ganitong proyekto, willing po kaming sumama para din dumami ang aming makilala na kapareho namin ang hilig,” sabi ni Analyn.

Para sa mga gustong sumali sa kanilang mga lakad at makipagsaya, hanapin lang ang kanilang grupo o si Analyn sa Facebook at doon mag-iwan ng mensahe.

Don't Miss