Hindi makapaniwala si Mila sa tinuran ng kanyang kabiyak, na siya ang pinili nitong samahan kaysa ang kanilang anak na siyang dahilan ng kanyang pag-uwi. Naisip niya na nag-aalala marahil ang kanyang kabiyak na walang sasalubong sa kanya sa gitna ng mga balita tungkol sa di magandang nangyayari sa mga sumasakay sa taxi na walang kasama. Malapit lang naman kasi ang airport sa lugar nila sa Cavite, at tanghaling tapat ang pagdating ng eroplanong sinakyan niya.
Para hindi magtampo ang kanilang anak ay kinausap niya ito at sinabing babawi na lamang siya pagdating niya.
Sa eroplano, sinabi ng isang nakasabay niya na si Rosa na mayroon palang ganoong ama na mas pipiliin na puntahan ang asawa kaysa samahan ang anak sa pag-akyat nito sa entablado.
Sabi pa nito, ang pagtatapos ay “once in a lifetime” lang pero ang pagsalubong sa asawa sa airport ay normal lang na nangyayari. Nagkuwento na rin si Rosa na namili din siya sa dalawang sitwasyon, ang pagdalo sa pagtatapos ng anak sa senior high school, o alagaan ang among bagong panganak.
Nagdesisyon siya na huwag na lang umuwi dahil kailangan siya ng kanyang amo, at maliit pa ang panganay nito. Ngunit sa huli ay umuwi din si Rosa dahil binigyan siya ng kanyang mababait na amo ng libreng ticket bilang sorpresang regalo sa kanyang anak tanda ng pagkilala sa mabuti niyang serbisyo sa kanila.
Wala daw problema kung uuwi siya saglit dahil dumating naman ang dalawang lola ng mga bata na siyang makakasama nila habang nakabakasyon siya. Naikwento kasi ni Rosa sa kanyang amo na nalulungkot siyang hindi masasamahan ang tanging anak sa pagtanggap nito ng karangalan sa pagtatapos.
Hindi niya alam na dahil sa sinabi niya ay agad na nag-book ng ticket niya pauwi ang amo, na natutuwa rin para sa mga parangal na tatanggapin ng kanyang dalaga. Bagaman nag-aalala si Rosa na maaring di niya maabutan ang program dahil bibiyahe pa siya papuntang Isabela at kinabukasan na ang pagtatapos ng anak, nag magandang loob ang anak ng kanyang kaibigan na nag-aaral sa Maynila na kuhanan siya ng ticket ng bus pauwi para makahabol sa seremonya.
Alas singko ng April 7, araw ng graduation nang makarating si Rosa sa kanila. Napaiyak sa tuwa ang kanyang anak nang pagbuksan siya ng pintuan dahil hindi nito alam na makakarating siya. Laking tuwa din ni Rosa dahil napasaya niya nang husto ang anak.
Si Mila ay 35 taong gulang, samantalang si Rosa ay 42 taong gulang at solong magulang. Pareho silang nakabalik na sa Hong Kong pagkatapos ng maiksi ngunit makabuluhang bakasyon. – Marites Palma