Itaas, ang puting estatwa ng Tsz Shan Monastery. |
Kung kabilang ka sa mga mahilig tumuklas ng mga tagong lugar na magaganda sa Hong Kong, napapanahon na marahil na maglaan ka ng isang araw para mamasyal sa Plover Cove Reservoir na nasa loob ng Plover Cove Country Park sa bandang hilaga ng New Territories.
Matatagpuan ito sa ma-burol na parte ng Tai Mei Tuk, at mararating sa pamamagitan ng pagtahak ng daan sa bungad ng pasilangang bahagi ng Tolo Harbour at Double Haven.
Bagamat liblib ang lugar na ito, madali pa rin itong mapuntahan sa pamamagitan ng mga pampublikong transportasyon. Iyan kasi ang tunay na atraksiyon ng Hong Kong – walang malayo o mahirap puntahan, dahil kahit saan ay may masasakyan.
Mag-umpisa sa Tai Mei Tuk at makipagsapalaran sa mailap na kagubatan ng hilagang bahagi ng Hong Kong. Kapag narating mo na ang lugar na ito ay siguradong nawawala na sa isipan mo ang pagmamadali para makabalik agad sa siyudad. Sulit na sulit ang mahaba at masikot na paglalakbay sa ganda ng tanawin na babantad sa iyo.
Para makarating dito, sumakay ng MTR papuntang Taipo Market. Mula rito ay sumakay naman ng bus, maaring ang 20C mini bus o kaya ay 75K KMB bus. Kung marami kayo at gusto ninyong mapadali ang biyahe ay maari ding sumakay ng taxi papuntang Tai Mei Tuk.
Gugugol ng mga 20 minuto sa paglalakbay bago marating ang Tai Mei Tuk kung sa mini bus ka sasakay at kung sa KMB bus naman ay aabot ang biyahe ng ng 35 minuto.
Sa bus pa lang ay agad nang gagaan ang pakiramdam dahil magaganda ang iyong madadaanang tanawin, lalo na ang nakapaligid na kabundukang hitik sa punong kahoy. Lubhang nakakagaan ng pakiramdam ang makita ang luntiang mga puno sa paligid, at malanghap ang preskong hangin.
Kapag natanaw na ang Tsz Shan Monastery ay palatandaan ito na malapit ka na sa lugar na bababaan mo. Kakaiba ang ganda ng tanawing tatambad sa iyo, dahil ang puting estatwa na nasa monasteryo ay parang nakalutang sa itaas ng makapal na kakahuyan sa bundok. Ang malawak na parte naman ng lawa na punong puno ng bakawan sa tabi ng daan ang nakakadagdag ng ganda sa lugar na iyong binabaybay.
Sa pinakahuling tigilan ng bus kailangang bumaba. Agad na tatambad sa iyo ang isang maayos at magandang kanayunan, kung saan ang mga bahay ay hindi lalampas sa tatlong palapag ang taas. May lugar para mag-barbecue, na karaniwan nang ginagawa ng mga bumibisita dito, na ang marami ay mga kasambahay, lalo na tuwing araw ng Linggo o piyesta opisyal.
Para sa mga taong aksyon naman ang hanap, may mga puwesto kung saan maaring umarkila ng bangka o bisikleta ng hindi kukulangin ng 30 minuto.
Kung nais mamundok maaring umakyat sa Family Trail Walk sa loob lamang ng 30 minuto. Sa paikot-ikot na paglakad dito ay makikita na ang kabuuan ng pader ng dam, at iba pang parte ng malawak na parke ng Plover Cove. Medyo hihingalin ka lang ng kaunti sa pag-akyat ngunit sulit na sulit naman dahil kakaiba ang mga tanawing makikita habang iniikot ang Family Trail.
Pagkatapos sa trail ay maari nang dumiretso sa daan pataas papunta sa Water Sports Centre, hanggang marating ang Plover Cove Reservoir.
Ang reservoir o imbakan ng tubig ay kilala dahil nandito ang pinakamalaking dam sa Hong Kong, na ang lawak ay umaabot sa 24 ektarya, at nasa dalawang kilometro ang haba. May tatlo pang maliliit na dam na itinayo sa paligid nito para tuluyan itong mahiwalay sa dagat.
Inumpisahan nitong itayo noong 1960, habang ang Hong Kong ay nag-uumpisang mamroblema sa tubig dahil sa lumalaki nitong populasyon, at walang tulong na maibigay ang Tsina. Labintatlong taon ang inabot bago ito tuluyang natapos.
Pagkatapos itong maitayo noong 1968 ay tinanggal lahat ang tubig-dagat sa loob nito at pinalitan ng freshwater para maging isang lawa. Noong 1973 ay itinaas muli ang pader ng dam hanggang sa siyam na palapag para mas lumaki ang lugar na imbakan ng tubig.
Sa paglalakad sa paligid ng dam ay abot-tanaw ang napakalinis na tubig sa Tolo Harbour, na kilala bilang pinakasentro ng industriya sa perlas noong Tang Dynasty. Sa panahong marami pang perlas ang nakukuha mula sa parteng ito ng dagat ay umabot sa apat ang bilang ng pearl farms sa lugar, na pinangalangang Sham Chung, Lo Fu Wat, Ngau To Wan at Fu Long Wat.
Tuwing Sabado at Linggo at mga piyesta opisyal, ang mga pasyalan sa paligid ng reservoir ay napupuno ng mga mahihilig sa panlabas na aktibidad gaya ng windsurfing, kitesurfing at pamimingwit ng isda. Marami ding mga dumadayo para magbisikleta at magpalipad ng saranggola.
Maari ding maglakad-lakad na lang para magmasid sa paligid, at mapansin ang mga maliliit na isla sa di kalayuan, at pati na ang mga matatayog na gusali sa kabilang parte ng dagat.
Sa dulo ng pader ng dam ay mararating ang isang maliit na isla. Kumaliwa ka at tuluyan nang maglalaho sa paningin ang mga siklista at iba pang abala sa iba-ibang gawain bukod sa paglalakad.
Ang payapa at mala berdeng-asul na kulay ng tubig ng reservoir ang tatambad sa iyong kaliwa, at mas matingkad na kulay asul na tubig-dagat naman ang nasa kanang bahagi. Sundan ang paliko-likong daan paikot sa napakagandang islang iyong kinaroroonan bago tahakin ang ilang mas maliliit na konkretong dam.
Mula dito ang mas masigasig na pamumundok ay mag-uumpisa na. Ang pag-akyat baba mula sa mga burol ay hindi masyadong mapapansin dahil sa ganda ng tanawin. Nasa iyo na kung hanggan saan ang kaya mong marating bago bumalik sa pinanggalingan.
Para sa mga lulong sa pamumundok na nagnanais maikot ang buong reservoir o ang makipagsapalaran patungong Double Heaven o Wu Kau Tang, kakailanganin ang isang buong araw ng paglalakad. Kailangan itong paghandaan lalo na kung tag-init dahil may kalayuan ang lakaran papunta sa islang ito.
Maaring mag-umpisa sa pamumundok sa Wu Kau Tang kung nais ikutin ang buong lugar. Lumabas lang sa Tai Mei Tuk kung saan maraming kainan, at sumakay pabalik sa MTR station ng Tai Po Market. Mula doon ay sumakay ng 20R minibus patungong Wu Kau Tang. – Marites Palma