Hindi naman nagtataka ang mga kaibigan niya dahil madalas itong lumiban. Dahil stay-out siya ay madalas niyang ipaabot sa mga amo na masama ang pakiramdam niya at hindi makapasok, gayong alam niyang kailangang kailangan siya dahil 18 months pa lang ang alaga niya at parehong may trabaho ang mag-asawa.
Alam din ng mga kapitbahay niya na mahilig itong mag telebabad kahit dapat ay binabantayan niya sa playroom ang alaga. Madalas tuloy siyang pag-usapan ng mga kasa-kasama ng mga bata doon, kabilang na ang mga popo.
Ang isang pang masamang ugali ni Mara ay ang hilig nitong mangutang. Minsan ay nalaman nitong nakatanggap ng $1,000 sa lai see ang isang kapwa Pinay, at ang unang sinabi ay “ang laki naman sis, pautang naman ipadala ko lang para sa anak ko, kailangang kailangan niya kasi ng pera.” Nguni’t dahil bistado na nilang lahat ang ugali niyang hindi maaasahan ay walang nagpapautang sa kanya.
Sa kabila nito ay hindi pa rin siya tumitigil ng kauungot.
Minsan naman ay sinabi na kailangan niyang bayaran ang parcel na ipapadala sa kanya. Agad siyang sinagot ng kausap na wala naman siyang dapat bayaran dahil sinagot na nung nagpadala ang lahat ng dapat bayaran. Ang isa pang dahilan na sinubukan niyang gamitin ay hindi daw aabot sa due date ng utang niya ang kanyang suweldo, na agad namang sinagot ng kausap na pwede naman niyang i-adjust ang petsa ng pagbabayad ayon sa araw ng kanyang suweldo para hindi siya laging nag-aalala.
Si Mara mismo ay sinabi sa mga kakilala na mismong mga amo niya ay ayaw siyang pahiramin ng pera, at sinabing hintayin na lang ang kanyang sahod. Minsan ay may naawa sa kanila pero walang maglakas-loob na magpautang dahil libo ang laging hinihingi. Kung daan-daan lang daw sana na pang-allowance ay hindi na sasakit masyado ang kanilang loob kung bigla na lang siyang hindi magpakita.
Nagkatotoo naman ang mga sapantaha nila dahil nabalitaan nilang napuno na ang mga amo nito, at binigyan siya ng isang buwang pasabi. Naaawa man ay sinabi ng isa na kung siya mismo ay hindi kinaawaan ang sarili niya, tayo pa kaya? Kung hindi daw siguro ito nagpapabaya ay hindi siya mawawalan ng trabaho, at lalong magpoproblema sa pera.
Si Mara ay 42 taong gulang, taga Benguet, at solong magulang. – Marites Palma