Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Nasisante siya, pero mas napabuti ang buhay sa HK

08 April 2017

Isang buwan pa lamang na naninilbihan si Liza sa among Intsik sa Tuen Mun ay nasisante na siya agad. Ang masaklap pa ay ibinigay ng amo sa agency ang kanyang isang buwang sahod at kabayaran kapalit ng isang buwang pasabi, at pati na ang kanyang tiket pauwi sa Pilipinas. Ang gahamang agency naman ay ayaw ibigay ang kanyang pera dahil may utang pa daw siya dito na dapat niyang bayaran.

Humingi ng tulong si Liza sa kanyang kababayan at pinayuhan naman siyang magpunta sa POLO para ireklamo ang agency. Hindi man alam ni Liza kung saan ang tanggapan na kanyang pupuntahan ay lakas-loob siyang nagtanong ng direksyon, at mag-isa siyang pumunta doon.

Dumiretso siya sa tanggapan ni Labor Attache Jalilo de la Torre dahil inilapit na ng kanyang kababayan ang kanyang kaso sa opisyal. Agad namang tinawagan ng isang opisyal sa POLO ang agency at sinabihan na kailangang ibigay kay Liza ang lahat ng perang para sa kanya.

Natakot ang agency at pinabalik si Liza sa kanila para ibigay ang kanyang pera. Hindi na rin siya pinigilang umalis sa boarding house ng agency kaya nagkaroon siya ng pagkakataong makahanap ng bagong amo sa ibang ahensya.

Dahil sa puspusan niyang paghahanap ay nakakita siya ng lilipatang amo sa loob ng 14 na araw na tinakda ng batas bago siya sapilitang umuwi sa Pilipinas.

Mukhang mabait ang natagpuan niyang amo kaya hindi na niya sinabi sa pamilya ang tunay na dahilan ng kanyang pag-uwi para hindi sila mag-alala. Sinabi na lang na pinauwi siya ng amo dahil magbabakasyon ang mga ito ng matagal. Akala niya ay wala na siyang masyadong aalalahanin, subalit pinilit siyang ipasok muli sa training ng kanyang ahensya sa Pilipinas, at magbayad ng P18,000.

Sa ginawang pagtatanong ng kanyang kaibigan sa POLO sa Hong Kong ay napag-alaman nilang ang training ay may bisa ng limang taon, kaya hindi na siya dapat sumailalim dito. Gayunpaman, hindi na siya tumutol dahil natakot siya na baka ipitin ng ahensiya ang kanyang mga papel. Sinabihan na lang siya ng kababayan na magreklamo na lang siya pagbalik niya sa Hong Kong.

Pagkalipas ng ilang linggo ay nakabalik siya nang maayos sa Hong Kong. Hindi siya nagkamali na mabait ang kanyang bagong amo dahil kinampihan siya agad nang sabihin niya ang ginawang paniningil ng agency niya sa Pilipinas. Sa tulong ng kanyang kababayan ay muli silang dumulog sa POLO, at inireklamo ang pangalawa niyang agency. Muli ay tinawagan ng isang opisyal ng POLO ang tauhan ng agency, at agad naman itong sumunod sa utos na ibalik ang sobrang singil kay Liza.

Ngayon ay lubos nang naniniwala si Liza na dapat ipaglaban ng mga migranteng manggagawa ang kanilang karapatan kahit bagong salta lang sila. Si Liza ay taga Isabela, 25 taong gulang, may asawa at anak, at kasalukuyang naninilbihan sa Shatin.- Marites Palma

Don't Miss