Ilang buwan pa lang daw si Emma noon nang pakiusapan siyang maglinis sa opisina ng amo. Noong una ay isang beses sa loob ng isang linggo lang daw siyang pumupunta pero kalaunan ay naging araw-araw na.
Bukod sa paglilinis ay pinapatulong na din daw siya sa mga gawain sa opisina kapalit ng kaunting umento. Pero humina daw ang ng negosyo ng amo noong nakaraang taon kaya pati ang pagpapasahod kay Emma ay apektado. Hiniling daw ng amo ang pang-unawa niya kung sakaling atrasado ang kanyang sahod kaya pilit naman niyang inintindi ang sitwasyon kahit na inaabot ng ilang buwan bago siya nakakatanggap ng sahod.
Pero nang matapos ang kanyang kontrata noong Pebrero ng taong kasalukuyan, nagpasya na siyang maghanap na lang ng bagong amo. Ayaw daw pumayag ng amo noong una pero nanindigan si Emma. Ngunit kahit huling araw na niya ay nakiusap pa rin ang amo na utangin muna ang kanyang sahod. Gumawa ang amo ng kasunduan at nakasaad dito na ibibigay din ang sahod at iba pang benepisyo niya sa loob ng isang buwan.
Sa kasalukuyan, may bagong amo na si Emma pero hindi pa rin naibibigay ng dating amo ng buo ang kanyang kaukulang bayad. Si Emma, 32, ay tubong Quezon.—Gina N. Ordona