Si Lanie ang hiyang-hiya nang mapansin na hindi na nakikita si Marie sa messenger, whatsapp at facebook. Lahat ng mga kakilala nilang dalawa ay ganito rin ang sabi. Pati ang numero ng telepono na ibinigay ni Marie sa agency ay hindi na ma-contact. May isa pang numero na alam ang kanyang mga kaibigan, ngunit hindi nito sinasagot ang kanilang tawag at text kahit sinabihan siyang lumabas na ang kanyang visa at kailangan na siyang bumalik sa Hong Kong.
Galit ang amo ni Lanie dahil nakabili ito ng mga bagong gamit, kasama na ang kama, para sa sana ay paparating na kasamahan, ngunit wala itong ipinaabot na dahilan. Inis din ang amo dahil kinaawaan, pinatuloy sa kanilang bahay at binigyan pa ng pera si Marie pagkatapos nitong bumaba sa dating pinagsisilbihan.
Sana daw ay hindi na lang ito pumirma ng kontrata para nakapaghanap sila ng iba dahil kailangang kailangan nila ng isa pang kasambahay, lalo at tatlo ang kanilang anak.
Hindi naman sila nahirapang humanap ng bago, bagamat may agam-agam na silang nararamdaman dahil baka magbago din ang isip nito kapag lumabas na ang kanyang visa.
Kamakailan ay muling nagparamdam si Marie kay Lanie, at sinabing naoperahan daw siya sa puso kaya hindi nakapag cellphone. Dedma lang si Lanie. Sa isip-isip niya, kung totoo ang sinasabi nito ay bakit hindi man lang nito naisip na magparating ng mensahe sa mga taong naghihintay na tumupad siya sa kanyang pangako?
Si Lanie ay isang Ilokana, may asawa at anak na kasalukuyang naninilbihan sa New Territories samantalang si Marie ay Bisaya at solong magulang at kasalukuyang nasa Pilipinas.- Marites Palma