Hindi siya mapakali dahil nakadikit sa luma niyang pasaporte ang kanyang kasalukuyang visa. Tinawagan niya ang ilan sa kanyang mga kaibigan para humingi ng payo pero wala daw ni isa sa mga ito ang makapabigay ng konkretong kasagutan.
Magdamag daw siyang hindi nakatulog dahil sa sobrang pag-aalala. Kinabukasan, habang nasa palengke ay bukambibig pa rin ni Nena ang pagkakabutas ng kanyang lumang pasaporte. Habang ikinukuwento niya ang problema sa isang Pinay na nakasabay sa pamimili ay napilitang sumabad si Minda nang maulinigan niya ang pag-uusap nila.
Ipinaliwanag niya kay Nena na sadyang binubutas ang lumang pasaporte bilang tanda na ito ay kanselado na, pero hindi nangangahulugan na wala nang bisa ang nakakabit na visa dito. Ididikit lang ang lumang pasaporte sa bago bilang patunay na may visa pa siya, kung kinakailangan.
Hindi mapigil ni Nena na pagtawanan ang sarili dahil sa kanyang wala sa lugar na pag-aalala.
Si Nena, apat na taon na sa Hong Kong, ay naninilbihan sa isang pamilyang Pranses na nakatirasa Mid-levels.—-Gina N. Ordona