Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Libre ang rehistro sa BM Online, nilinaw ng POLO

27 April 2017

Walk-in BMOnline registrants wait to be tutored on how to get OEC exemption electronically

Ni Vir B. Lumicao

Walang bayad sa pagpapalista sa BM Online, ang batayang kailangan para malibre ang isang OFW sa pagkuha ng overseas employment certificate, o OEC.

Ito ang paglilinaw ni Labor Attaché Jalilo de la Torre sa tanong ng maraming katulong na Pilipino na pumipila ng matagal sa tulay sa labas ng Admiralty Centre tuwing araw ng Linggo para kumuha ng OEC exemption.

Ipinaliwanag din ni Labatt De la Torre na hindi kailangang magpakopya ng mga OFW ng kanilang mga passport at kontrata sa trabaho, dahil kailangan lang tingnan ng mga tauhan ng Philippine Overseas Labor Office ang mga nabanggit na dokumento.

“Walang bayad ang pagpaparehistro sa BM Online, kasama na ang tutorial at pagtatakda ng appointment,” sinabi ni Labatt De la Torre, ang pinuno ng POLO.

“Huwag na kayong magpakopya ng anumang dokumento, dalhin lang ninyo ang inyong mga pasaporte at kontrata upang makita namin,” aniya.

Ginawa ng opisyal ang paglilinaw sa gitna ng mga maling haka-haka ukol sa OEC.

 “Nais lang naming kontrahin ang raket ng ilang tindahan sa ibaba na nagsasamantala sa ating mga OFW,” sinabi ni Labatt De la Torres sa The SUN.

Madalas kasing nababanggit ng mga nakapila para sa OEC exemption na kailangang magbayad umano ang mga magpaparehistro sa BM Online, maging sa mga tagapagturo sa training room ng POLO sa ika-11 palapag ng Admiralty Centre Tower 1.

Mayroon ding mga nagsasabi sa mga nakapila na kailangang magpakopya raw sila ng mga pasaporte at kontrata dahil hahanapin daw ang mga iyon sa pagkuha ng OEC.

Sinamantala ng ilang tindahan sa Admiralty Centre ang pagkakaroon ng mahabang pila para sa OEC upang pagkakitaan ang mga OFW sa pamamagitan ng mga printing at photocopying service at pag-alok ng tulong para magrehistro sa BM Online. Ayon sa ilang OFW, mayroong tindahang nag-aalok na irehistro sila sa BM Online at magtakda ng appointment sa halagang $100 hanggang $150 sa halip na pumila.

Ukol sa photocopying, ang karaniwang singil ng mga shop sa bungad ng Admiralty at sa katabing United  Centre ay $2 bawat kopya ng dokumento, at $10 kapag ito ay dina-download mula sa cellphone, USB o internet.

Lingid sa kaalaman ng maraming OFW, may isang photoshop sa United Centre na $1 lamang ang singil sa pagpapakopya at kahit pa i-download ang dokumento mula sa cellphone, sa USB o sa internet.

Sa mga opisina ng gobyerno katulad ng Immigration Department at mga korte, 50 cents lang ang bayad sa bawat kopya, na kailangang bayaran gamit ang Octopus card. May mga photocopying shop din sa ilang lugar sa North Point at Wanchai na 20 cents lang bawat kopya ang singil .

Pinayuhan ni Labatt De la Torre ang mga magpaparehistro o nais matuto sa BM Online na magtungo sa POLO sa ika-11 palapag ng Admiralty Centre Tower 1 kapag araw ng Biyernes of Sabado dahil kakaunti ang tao sa mga araw na iyon.

Bukas ang POLO mula ika-10 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon tuwing Biyernes at Sabado para sa mga magpaparehistro sa BM Online at sa mga gustong magpaturo sa pagbubukas ng OEC online account.

“Kapag araw ng Linggo at nais ninyong magparehistro ngunit wala kayong appointment, pumarito kayo mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi,” ani Labatt De la Torre.

Para sa nangangailangan ng OEC para sa dagliang pag-uwi, maaari silang tumawag o mag-text sa 6543 7496, aniya.

Sinabi ng labor attaché na kahit araw ng pahinga ng Konsulado ay pumapasok pa rin ang ilang mga tauhan ng POLO, kabilang na siya, upang magsilbi sa mga nangangailangan ng OEC exemption.

Don't Miss