Ayon kay Wendy, sobrang hirap ang dinanas niya magmula nang dumating siya sa Turkey. Sa loob ng nakaraang dalawang buwan ay naka apat na amo na daw siya. May mga kakilala din siya na terminated na pagkatapos ng isang linggo, at yung isa naman ay naka-10 araw lang.
Wala daw kasiguraduhan ang trabaho doon.
Sa loob ng 90 araw na itatatak sa working visa mo ay puwede kang i-terminate ng amo mo na walang obligasyon na bigyan ka ng bayad kapalit ng abiso, at pati ng tiket pabalik sa Pilipinas. Dati ay maari kang humanap ng kapalit na amo sa loob ng 10 araw, pero ngayon “once na ma-terminate ka ng amo mo o mag-break ka, uuwi ka sa Pilipinas”.
Nitong Enero lang daw nag-umpisa ang bagong patakaran, dahil na rin sa laki ng problema sa mga dayuhang manggagawa doon na stranded dahil walang amo, at walang perang pambili ng tiket pauwi.
Siya mismo ay may nakasabay papunta doon galing ng Hong Kong na TNT o tago ng tago ngayon dahil umalis sa amo nang hindi nakayanan ang hirap, at nabigong humanap ng kapalit. May isa pa siyang kakilala na nagpunta ng agency para magpatulong dahil hindi na kaya ang pahirap ng amo. Hindi naman daw makaalis dahil tinatakot ng amo niya, na maimpluwensiyang tao doon.
Kapag ganoon na kumuha ng galing sa Hong Kong ang amo, malamang na marami nang dumaang katulong dito, ayon kay Wendy. Ibig sabihin, sobrang higpit nito kaya mga baguhan lagi ang kinukuha.
Marami daw sa mga Pilipina doon ang takot umuwi dahil baon sa utang. Ang sinisingil sa kanila ng kanilang recruiter sa Hong Kong ay $15,000, samantalang ang talagang bayad sa working visa nila ay $1,000 lang.
Ubod ng laki daw talaga ang kita ng mga ahensyang nagpapapunta ng mga Pilipina doon, dahil nakakasingil na sila sa katulong, tapos pati amo ay sinisingil ng katumbas ng isang buwang sahod nila. Dahil dito ay maraming mga among Turko ang sobrang higpit sa mga katulong.
"Sana ay tigilan na ng mga agency ang pagpapadala ng mga Pilipina dito dahil hindi alam ng mga kababayan natin kung ano ang dadatnan nila dito. Sobrang hirap po," ayon sa mensahe ni Wendy. - DCLM