Na-terminate si Myla, isang Ilongga, nang dahil sa pagpapahiram niya ng passport.
Noong Sabado, Marso 25 ay sinabihan si Myla ng kanyang amo na isasama siya sa Macau. Hindi na nakaiwas si Myla na sabihin na isang buwan nang wala sa kanya ang kanyang passport.
Hiniram ito ng isang kaibigan para gamiting pansanla sa utang, pero ang sabi ay isang linggo lang at tutubusin na . Pero hindi natupad ang pangako dahil ang taong pinagsanlaan ng kanyang kaibigan ay nagpunta ng China at sa Abril pa ang balik.
Ngayon ay mas malaki ang problema ni Myla dahil may 14 araw lang siyang maaaring manatili ng Hong Kong ngunit wala pa rin ang may hawak ng kanyang pasaporte.
Kung kaya lang niyang kagatin ang kanyang siko sa galit ay ginawa na niya, ngunit wala siyang magawa. Kung hindi pa rin bumalik ang may kasalanan sa pagkakatanggal niya sa trabaho ay mapipilitan na siyang lumapit sa Konsulado para manghingi ng tulong nang siya ay makauwi.
Si Myla na taga Dingle, Iloilo ay mahigit tatlong taon na sa among Intsik. – Merly Bunda