Kahit alam ang pinanggagalingan ng kanyang amo ay hindi pumayag si Emkay sa gusto nito kaya sila nagkasagutan. Gayunpaman, sinigurado pa rin ni Emkay sa isang kaibigang maalam tungkol sa mga batas sa Hong Kong kung tama ba ang kanyang ginawa.
Sinabihan naman siya na hindi dapat kunin ng amo ang pasaporte niya dahil personal niya itong pag-aari. Kapag sapilitan itong kinuha ay maari niyang isumbong ang amo sa pulis sa kasong pagnanakaw.
Ang sumunod naman niyang tinanong ay kung dapat ba siya talagang maglinis ng kotse ng kanyang amo. Walang sariling garahe ang kanilang tinitirhan, kaya kailangan pa niyang maglakad papunta sa palengke dahil doon nakagarahe ang sasakyan. Wala daw sa kanyang kontrata na kailangan niyang maglinis ng kotse.
Sinabihan naman siya na kung ginagamit ng amo para sa pamilya ang sasakyan ay hindi maituturing na ilegal o labas sa kontrata ang kanyang paglilinis nito. Kasali ito sa “domestic duties” na nasa kanyang kontrata. Ang sabi pa sa kanya ng kanyang kausap, mabuti at isang kotse lang ang nililinis niya, dahil yung iba ay dalawa o higit pa ang kailangang linisin, mapa-araw o taglamig man. Super selan pa ng mga amo ng iba, kaya kailangan na laging naka-vacuum at makintab ang kotse.
Yung iba naman niyang reklamo, katulad ng pagtakda sa kanyang curfew na 8:30 ng gabi ay sinabihan siyang makisama na lang muna. Kahit ang nakalagay sa kontrata ay 24 oras ang pahinga sa isang linggo ng isang kasambahay ay hindi din naman ito nasusunod. Subukan na lang muna daw niyang makibagay at baka dumating ang oras na lumuwag din ang mga patakaran ng kanyang amo dahil lubos na siyang pinagkakatiwalaan. - DCLM