Dala-dala ang isang maleta at striped bag na puno ng kanyang gamit ay nagdesisyon siyang doon na lang sa ibaba ng kanilang building siya magpapalipas ng gabi. Halos 10:00 na ng gabi noon at wala siyang alam na mapupuntahan kaya wala siyang lakas ng loob na lumayo.
Bago ito nangyari, sinabi ng kanyang amo na binabawi na nito ang pangako na pipirmahan pa siyang muli. Ayon sa sulat na ginawa ng amo pagkatapos, hindi na raw nila kailangan ng kasambahay dahil 12 taon na ang anak nito.
Ipinakita ni Jaypee ang sulat sa Philippine Overseas Labor Office at pinakwenta ang dapat niyang matanggap.
Dahil ang “redundancy” o ang pagtatanggal sa kanya dahil hindi na siya kailangan ay isang dahilan para makakuha siya ng severance pay, umabot sa mahigit $17,000 ang kailangang bayaran ng kanyang amo sa kanyang apat na taong paglilingkod, kasama ang suweldo niyang hindi pa nababayaran. Bukod pa dito ang para sa kanyang air ticket pauwi.
Halatang nagulat ang amo nang makita na ganoon ang kailangan nitong bayaran kaya pinagbuntunan ng galit si Jaypee. Tinakot pa siya na aabot sa apat na buwan ang kanyang paghihintay sakaling maghabla siya para makasingil ng sapat na kabayaran.
May agam-agam din si Jaypee dahil hindi niya alam kung terminated ba siya, o finished contract. Gusto pa kasi niyang magtrabaho sa Hong Kong.
Nang payuhan siya ng The SUN na huwag matakot maghabol sa mga dapat bayaran sa kanya dahil hindi naman talaga tatagal ang pagdinig sa reklamo niya ay nakahinga ng maluwag si Jaypee. Natuwa din siya nang sabihan na finished contract na ang katayuan niya dahil wala nang isang buwan ang natitira sa kanyang kontrata, kaya maari na siyang maghanap ng bagong amo. Kailangan nga lang niyang hintayin na matapos ang kaso niya sa Labour bago niya maipasok ang bagong kontrata sa Immigration. – DCLM