Nabulabog ang mga fans nina Alden Richards at Maine Mendoza (na kilala sa tawag na AlDub) sa lumabas na balitang tatapusin na ngayong Mayo ang “Destined To Be Yours”, ang unang TV series ng kanilang mga idolo.
Una pa rito, nainis na sila sa pagpasok sa karakter ni Thea Tolentino, bilang girlfriend ni Alden na lumalabas na kontrabida at kaagaw ni Maine kay Alden. Inuulan na ngayon ng batikos si Thea, at maging ang nasa likod ng DTBY dahil palagay ng mga fans ay hindi naman ito kailangan sa sinusubaybayan nilang serye.
Lalo pang nainis ang AlDub nang lumabas ang mga tweets ni Suzette Doctolero, creative consultant ng DTBY, na nagsabing “flop” ang palabas sa unang tatlong linggong pagtatanghal nito, bilang pagtatanggol sa ginawa nilang twist sa istorya. Ilan sa mga sagot ni Doctolero sa tanong ng mga fans noong April 19 at 20:
“Yes pero di nag rate nun. Flop. Now, its rating. So pano mo explain?”
“To be honest abt it, the writing teams doing their best thats why its rating now unlike he first 3 weeks ata na flop. Now its good.”
“Nagrerate now kasi may malinaw na conflict ang kwento at may kontrabida. Yes. Prangkahan. Di siya rate dati.”
“Nope. Flop ang first and second week na walang third party arc. Nada”.
“Guys, DTBY is doing good now ratingswise. Pasensya kung may 3rd party. Need yun sa conflict ng story. Rem: di lang kayo ang audience. Mayroon bigger slice din ng audience na ang habol ay kwento din na gusto ay soap kaya we also have to attend to them. Kaya again pasensya kungdi puro aldub ang nakikita. But these conflicts are necessary pa rin at di ginawa para mang inis”.
“Si maine at alden pa rin ang bida at makikita yan sa hanggang sa dulo so relax dahil di pa tapos ang show. Again, hindi pa tapos ang show kaya wag mainip. Di pwede sila na agad or else ano na kwento? Need paghirapan ng characters nila ang love”
“For them to prove to each other na mahal talaga nila isat isa.. lalo na kapag maredeem na ng char ni alden ang kanyang mali. So wag hingin now na magsama agad sila kaloka. Di pa tapos ang show. Meantime, eat ur lunch. Chilax!”
Bilang sagot din niya sa isang iritadong fan na tapusin na lang ang DTBY, sinagot ito niya ito ng “sa May.”
Hindi makapaniwala ang mga fans na “flop” ang TV series ng kanilang mga idolo dahil punung-puno daw ng commercials ito, kumpara sa kalaban nitong show ng ABS CBN na “My Dear Heart” na wala raw gaanong patalastas. Mataas din daw ang viewership ratings nito base sa inilalabas na resulta ng AGB Nielsen.
Samantala, pinabulaanan ng pamunuan ng GMA Network ang sinabi ni Doctolero na flop daw ang unang tatlong linggong pagtatanghal ng show. Masaya raw sila sa ratings ng primetime Kapuso teleserye nina Alden at Maine. Sariling opinyon daw ni Doctolero ang mga ipinahayag nito, at kakausapin daw nila ito tungkol dito.
Pero inamin din nila na talagang hanggang Mayo lang ang DTBY, at hindi ito sadyang pinuputol. May naka-schedule na raw kasing uumpisahang pelikula sina Alden at Maine pagkatapos ng show. Pinasasalamatan daw nila ang lahat ng AlDub fans na patuloy na sumusuporta at tumatangkilik sa show.
WILLY CRUZ, PUMANAW NA
Nagluksa ang taga music industry at mga fans ng OPM (original Pilipino music) sa pagpanaw ng isa sa pinakamahusay na composer na si Willy Cruz (Wilfrido Buencamino Cruz), sa edad na 70. Kumplikasyon mula sa pagkaka-stroke niya ang sanhi ng kanyang pagkamatay, matapos siyang matagpuang walang malay noong April 10 at na-comatose, hanggang tuluyan na siyang bawian ng buhay noong April 17 sa St Luke’s Hospital.
Mula sa angkan ng mga musikero si Cruz. Ang kanyang lolo ay gumawa ng musika sa mga zarzuela noon, at tiyuhin niya ang kilalang composer at teacher na si Francisco Buencamino. Pinsan niya ang mga composers ding sina Lorie Ilustre, Nonong Buencamino, at ang sikat na piyanistang si Cecile Licad, na gaya niya, ay nag-aral at nag-train sa piano at classical music.
Nag-umpisa bilang musical director ng Ambivalent Crowd, naging vice president din siya Vicor Music Corp, at naging arranger at producer ng kanilang mga artist noon na sina Nora Aunor, Celeste Legaspi, Pilita Corrales, Didith Reyes at iba pa. Nang lumaon ay itinatag niya ang Jem Records, at ilan sa mga nauna nilang recording ay ang awiting Ingles na ginawang Tagalog; ang “Charade” ng BeeGees na ginawang “Tag-Araw” at “The Worst That Could Happen (Fifth Dimension)” ay naging “Panakip-Butas”, at nagpasikat kay Hajji Alejandro.
Si Cruz din ang lumikha ng mga awiting pinasikat ni Sharon Cuneta: “Sana’y Wala Nang Wakas”, “Bituing Walang Ningning”, “Pangarap na Bituin”, “Sana’y Maghintay ang Walang Hanggan”, at “Himala ng Pag-ibig”.
Naging sikat na mang-aawit din si Nonoy Zuniga dahil sa mga composition ni Willy na “Doon Lang”, “Kumusta Ka”, “Love Without Time”, “Magandang Gabi”, “Fragments of Forever” at “Never Ever Say Goodbye”.
Ilan pa sa mga sikat na awiting ginawa niya ay “May Minamahal” (Hajji), “Sa Duyan ng Pag-Ibig” (Appasionatta), “Kahit Na” (Zsazsa Padilla), “Let the Pain Remain” (Basil Valdez), “Init sa Magdamag” (Sharon & Nonoy), “Mahawi Man ang Ulap” (Sharon at Dulce), “Araw-araw, Gabi Gabi” (Didith Reyes), at “Kapag Puso’y Sinugatan” (Raymond Lauchengco).
Kabilang sa mga nagbigay- pugay kay Cruz, at inalala ang kanyang malaking kontribusyon sa music industry sina Sharon, Lea Salonga, Gary Valenciano, Bituin Escalante (anak ni Gigi Escalante na miyembro ng Ambivalent Crowd), Ogie Alcasid, Ryan Cayabyab, Vic del Rosario, Jungee Marcelo, Rey Valera, Noel Cabangon, Dingdong Avanzado at marami pang iba.
May tribute din ang ASAP noong Linggo at inawit ang kanyang mga awitin nina Martin Nievera, Zsazsa Padilla, Yeng Constantino, Sarah Geronimo, Angeline Quinto, Morisette Amon, Klarisse de Guzman at special guest si Nonoy Zuniga na inawit ang Doon Lang at Never Ever Say Goodbye sa finale.
ANGEL, MAY BAGO NANG BF?
Tila totoo ang balitang may bago nang boyfriend si Angel Locsin. Sunud-sunod ang paglabas ng mga litrato niya sa social media na katabi niya si Neil Arce, isang businessman at film producer.
Matagal na raw magkaibigan at magbarkada ang dalawa, at nagkakasama pang umakyat ng bundok, kasama ng iba pang kaibigan ni Angel. Una silang namataan nang mamasyal sa Hong Kong, at sa ginanap na surprise birthday party na ibinigay kay Angel ng Dreamscape, kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa bisperas ng kanyang kaarawan noong April 22, nang magkasabay silang dumating sa Tipsy Pig Astropub sa Pasig, kung saan ay isa sa mga may-ari si Neil. Lagi raw nasa tabi ni Angel si Neil, at panay ang kuha ng litrato at video kay Angel. Nag-post pa siya sa IG ng larawan nila ni Angel na kumakain ng ice cream bars, at may caption na “Happy birthday, Gel! Amazing what 7 years of friendship has done to us! Excited to see what’s next :)”
Si Neil ay naging boyfriend nina Maxene Magalona, (engaged na ngayon kay Robby Mananquil), at Bela Padilla. Inamin ni Bela noong January na break na sila ni Neil, pero nanatili silang magkaibigan, katunayan ay magkatrabaho pa rin sila sa pelikulang “Luck at First Sight” na pinagtatambalan nina Bela at Jericho Rosales. Sa kanilang dalawa daw ang concept ng pelikula, at si Neil ang producer.
Si Angel ay nagsimula nang mag-taping para sa “La Luna Sangre” bilang special guest, kasama si John Lloyd Cruz. Ito ay sequel ng Lobo at Imortal, na pinagbidahan nila noon. Nanghihinayang man na hindi na sa kanya mapupunta ang role bilang Darna, inaabangan naman ng mga fans ni Angel ang paggawa niyang muli ng pelikula, na pagtatambalan nila ni Coco Martin.
RICHARD, KINASUHAN NG TAX EVASION
Hinahabol si Richard Gutierrez ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa hindi raw pagbabayad ng buwis ng kompanya nitong RGutz Production noong 2012, na nagkakahalaga ng Php38.57 milyon. Kasama na raw dito ang surcharges at value added tax.
Ayon sa kanyang abogado, si Atty Marie Glen Abraham- Garduque, hindi pa natatang-gap ni Richard ang kopya ng reklamo ng BIR laban sa kanya, kaya sasagutin na lang nila ito kapag nabasa na nila.
Sa ngayon ay walang pinagkakaabalahang project si Richard, maliban sa “It Takes Gutz to be a Gutierrez” reality show ng kanilang pamilya na ipinalalabas na E! channel sa cable TV. Kagagaling lang niyang magbakasyon sa Switzerland kasama ang kanyang live-in partner na si Sarah Lahbati at ang anak nilang si Zion upang dalawin ang pamilya doon ni Sarah.
JENNYLYN, ISINAMA SA PILIPINAS ANG AMA
Nagbakasyon sa South Korea noong Holy Week sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, kasama ang anak ni Jennylyn na si Alex Jazz. Nakasama nila sa pamamasyal ang biological father ni Jennylyn na si Noli Pineda, na matagal nang namamalagi at nag-trabaho doon bilang isang musikero. Sinundo na rin nila ito upang isama sa Pilipinas. Noon pang January ay nakiusap na dito si Jennylyn na samahan na sila ng kanyang anak sa kanyang bahay dahil wala silang kasama. Parehong namayapa na ang kinilalang ama’t ina ng aktres na sina Roger at Lydia Mercado.
Bagama’t naninibago pa sila sa isa’t isa ng kanyang tunay na ama dahil hindi naman sila nagkasama bilang pamilya, nagkakasundo daw sila dahil pareho silang masayahin. Nagkakasama na rin daw sila sa nakalipas na ilang taon kapag umuuwi ito sa Pilipinas minsan sa isang taon. Wala naman daw itong pamilyang naiwan sa South Korea maliban sa girlfriend, at naiintindihan naman daw nito na kailangan ni Jennylyn at ng kanyang anak ang kasama sa bahay.
Tila magkasundo naman sina Dennis at ang ama ni Jennylyn, dahil noong nasa Korea ay nagja-jamming pa ang dalawa. Nahirapan lang daw ng husto ang aktres sa kanyang anak dahil ayaw nito ng Korean food at kung saan-saang restaurant at tindahan daw niya dinadala ito upang mapakain lang. Ayaw daw nitong maglakad kaya karga-karga nila ito ni Dennis kapag lumalabas sila.
Maliban sa My Love From the Star tv series, abala rin ang Kapuso actress sa kanyang cooking show na Everyday Sarap with CDO, na nasa season 2 na. May dalawang pelikula rin siyang gagawin sa taong ito.