Nagti-Tinikling habang nakatakip ang mata (itaas) ang isa lang na nagpapamalas ng husay ng grupo. |
Ni Marites Palma
May angking likas na kakayahan sa pagsasayaw ang isang grupong namamayagpag ngayon, ang Tinikling Group of Migrants. Kung tutuusin ay hindi na sila bagong tatag dahil dati silang nakapaloob sa Philippine Culture, Arts and Dance Ensemble (PCADE).
Pero noong ika-1 ng Hulyo, 2015 ay nagpasya silang magsarili. Ayon sa kanilang lider na si Marie Velarde, mas masaya daw sila kapag sila ay freelancer dahil maaari nilang puntahan ang lahat ng mga community event na nais nilang salihan.
Sa ngayon, umaabot na sa 25 ang kanilang mga miyembro na pawang mahilig at mahusay sumayaw.
Noong 2015 ay nag champion sila sa cultural competition ng Filipino Migrants Workers Union, naging 1st runner-up sa folkdance competition ng Federation of Luzon Active Groups at 1st runner-up sa Silent Movers Got Talent.
Regular na din silang sumasayaw sa mga programa ng Leisure and Cultural Services Department (LCSD) ng Hong Kong, at paminsan ay natatawag din ng Konsulado kapag may natanggap itong paanyaya para sa mga tradisyunal na mananayaw.
Ang pinakasikat nilang pagtatanghal ngayon ay ang “Blindfolded Tinikling”, kung saan ang kanilang mananayaw ay nakapiring ang mga mata; at ang “Sayaw sa Bangko,” kung saan sila naman ay nakapatong sa mga bangko habang umiindak.
Ang kaanib sa asosasyong ito ay nagbibigay ng $100 para marehistro bilang miyembro, at nag-aambag ng $20 kada buwan, at ang naipong pera ay ang siya nilang ginagastos sa pagbili ng kanilang mga kasuutan at pagkain at kagamitan tuwing sila ay nag-eensayo. Nadagdagan ang kanilang pambili ng mga kagamitan tuwing nakakatanggap sila ng “food allowance” mula sa LCSD kapag sila ay kinuhang magtanghal ng ahensya.
ng ilan sa kanila ay nagiging kinatawan ng grupo sa ilang pagtitipon. |
Nitong nakaraang Nobyembre ay muli silang nagpamalas ng galing sa entablado sa Asian Ethnic Cultural Performances 2016 sa Tsim Sha Tsui, at sa Tamar Park naman sa programang Hong Kong Cross Culture and Fire Safety and Prevention.
Bagama’t ang kanilang mananayaw ay mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, ang pinakarami pa rin ay mula sa Luzon. Hindi naman daw ito nakakasagabal sa ganda ng kanilang samahan, ayon kay Velarde, dahil ang lahat ay nagtutulungan.
Nagpapasalamat naman ang isang miyembro na si Emz Bautista, na dati ring myembro ng PCADE, dahil napakalaki daw ng nagagawa ng grupong ito sa kanyang buhay.
Naiibsan daw ng pagsasayaw ang kanyang lumbay dahil sa homesickness simula pa noong bagong dating pa lang siya sa Hong Kong.
Una siyang nagkainteres na umanib sa PCADE nang makita niya sa The SUN ang isang anunsiyo para sa mga mahilig sumayaw. Agad siyang sumali, at hindi naman daw siya nagkamali sa grupong pinasukan.
Ayon naman kay Bautista, kailangan ilabas mo ang nakatago mong kakayahan sa pagsayaw dahil bukod sa nakakaaliw ay maganda rin itong ehersisyo para mapanatili ang iyong kalusugan. Nakakatulong din ito para maiangat ang kultura ng bansang Pilipinas sa mata ng mga lokal na mamamayan ng Hong Kong, at mga dayuhang pansamantalang naninirahan dito.
Ayon kay Velarde, mula pagkabata ay nakakitaan na siya ng kakayahan sa pagsasayaw, at dala-dala na niya ito ngayon kahit nasa labas na siya ng bansa.
Sa mga gustong subukan kung papasa ang kanilang husay sa pagsasayaw sa Tinikling Group, maari lang na magtanong kay Velarde. Kahit daw parehong kaliwa ang paa, basta gustong matuto ay pagtitiyagaan nilang turuan.
Bilang pangulo, maipagmamalaki daw niya ang grupong ito na naitayo sa tulong ng lahat ng kanyang mga dating miyembro. Malaki daw ang naitutulong nito para maibsan ang lungkot dala ng pagkawalay sa pamilya dahil lahat ng kanilang nararamdamang sakit o sama ng loob ay napapawi kapag pinapalakpakan na sila.
Ang mga opisyal ng grupo bukod kay Velarde ay sina Marites Macabenta, pangalawang pangulo; Janet Pagauda; kalihim, Rowena Valencia; ingat yaman, Emely Bautista; tagasuri; Charlyn Singson, auditor; Edward Permison at Simpresa Gamos, PRO; at Marissa Mendavia at Jesibil Lacia, sergeant-at-arms.