Kinalingguhan ay nagpaunlak ang pamilya sa imbitasyon ng Isabela Federation na magtipon-tipon. Ganoon na lang ang kanilang tuwa nang makita ang tarpaulin ng mag-asawa at ang masaganang pagkaing Pinoy na inihinanda para sa kanila. Nagkainan at nagsayawan ang mga dumalo, na nakadagdag sa kasiyahan.
Ayon kay Lourdes, sobra-sobra ang saya niya dahil natupad ang pangarap niya na hindi magaya ang sariling pamilya sa kanyang pinagmulan na broken family. Napakahirap man daw ang malayo sa pamilya sa loob ng mahigit na 19 taon na pangangamuhan niya dito sa Hong Kong sa iisang amo ay napagtagumpayan pa rin nilang mag-asawa na malampasan ang mga dumating na pagsubok sa kanila.
Naalala ni Lourdes na noong 2001, limang taon pa lang siya dito noon nang mabalitaan niyang nagluluko ang asawa. Anim na buwan niya itong hindi kinausap, pero nagmakaawa ang kabiyak na patawarin siya at bigyan ng isa pang pagkakataon. Dahil mahal na mahal niya ang kanyang pamilya ay lumambot din ang puso niya at pumayag na makipagbalikan sa asawa. Ayaw na ayaw niyang magaya ang mga anak sa kanya na hindi buo ang pamilya.
Pinatunayan naman ng kabiyak na nagbago na nga siya at itinuon ang pansin sa mga anak at kanilang kabuhayan.
Ngunit hindi dito natapos ang kanilang hamon dahil dumating ang pinakamalaking dagok sa kanilang buhay, ang pagkamatay ng anak nilang lalaki. Sa pagkakataong ito ay naramdaman niya na lalong napagtibay ang kanilang relasyon bilang mag-asawa. Sinuportahan nila ang isa’t isa, at nagkasundong ibuhos na lang ang kanilang atensyon sa dalawa pa nilang anak na parehong babae.
Nitong nakaraang taon ay nagtapos na sa kursong tourism ang isa nilang anak at nag-OJT sa America. Aminado si Lourdes na magastos ang kursong kinuha ng anak lalo na nang magpunta ito sa Amerika pero hindi niya ininda ang hirap sa kagustuhan na makamtan ng anak ang pangarap niya sa buhay.
Umabot sa puntong naglalako siya ng ice candy tuwing summer, softdrinks at pagkain para magkaroon ng extrang kita. Napakahirap man dahil mabigat ang dala-dala tuwing day-off niya at malayo pa ang nilalakaran ay tiniis niya lahat dahil sa pagmamahal sa mga anak. Lahat ng sakripisyo ay ginawa para sa pamilya.
Tumigil noon sa pag-aaral sa kolehiyo ang isa pa nilang anak dahil nagbigay daan sa kapatid, pero ngayon ay nagpasyang ipagpatuloy ang pag-aaral. Dahil dito ay balak ni Lourdes na manatili pa ng ilang taon sa Hong Kong hanggang makapagtapos ang pangalawang anak bago tuluyang mag for good.
Ayon kay Lourdes, napakasarap sa pakiramdam na maraming nagmamahal sa kanya na mga kaibigan at kamag-anak, at nagbibigay tulong at suporta sa oras ng kagipitan at pagdadalamhati, at nakikigalak naman sa oras ng kasiyahan. Lubos siyang nagpapasalamat sa mga nagparamdam sa kanya ng tunay na pakikipagkaibigan, kabilang ang asosasyong kanyang kinaaaniban. Si Lourdes ay 45 taong gulang at naninilbihan sa mga among Intsik na mababait sa Homantin.- Marites Palma