Ang alam lang niya ay ang FB name nito na Phoebe Rose. Sinamahan daw siya ng bagong kakilala na maglibot-libot sa Shamshuipo para tumingin ng maari niyang bilhin na ipapadala sana sa Pilipinas para sa bagong tindahan nila ng kapatid. Pagkatapos nilang umikot ay pinilit daw sya ng bagong kakilala na magselfie-selfie muna doon sa magandang lugar malapit sa kanilang inuuwian.
Wala sa isip na inilapag niya ang kanyang bag katabi ng sa kasama niya nang sila ay magselfie. Napansin niya na medyo naiba ang puwesto ng kanyang bag pagkatapos pero hindi siya nagduda dahil napalapit na ang loob sa kakilala.
Pag-uwi niya ay saka niya napansin na nawawala na ang kanyang pera. Agad niyang tinawagan ang kakilala at sinabi niya ang sapantaha.
Nangako daw ito na ibabalik sa kanya ang nawawala niyang pera dahil siya ang itinuturo, pero isang araw bago ang takdang araw para sila magkita ay tumakas na pala ito pauwi ng Pilipinas. Nalaman ni Princess na may ticket nang pauwi ang kakilala, at malamang ay naghanap na lang ng matatangay bago umalis.
Dahil sa galit ni Princess ay itinuloy niya ang pagre-report sa pulis. Bago ito ay nakiusap si Phoebe na huwag niyang ituloy ang report pero matapos itong nawala ay napilitan si Princess na ituloy ang reklamo. Nakuha ni Princess ang address ni Phoebe sa isang remittance center at pinuntahan naman ito ng mga pulis, pero matagal na pala itong hindi nakatira doon.
Nang mag-post siya sa FB tungkol sa masamang karanasan ay marami ang nag message kay Princess na mga kilala at biktima ni Phoebe. Magnanakaw daw ito talaga, at hindi lang sila makapagreklamo sa pulis dahil wala silang ebidensya. Ang ilan sa mga ito ay mga bagong sahod nang mabiktima ni Phoebe.
Kalaunan ay natunton din ng mga pulis ang amo ni Phoebe, pero sinabi ng mga ito na nakauwi na ito sa Pilipinas. Kinuha ng mga pulis ang lahat ng detalye ni Phoebe, kabilang ang HK ID number nito at passport number, at sinabi ng mga ito kay Princess na wanted na ito sa Hong Kong.
Sinayang daw nito ang kanyang trabaho dahil mababait ang mga amo at malaki na ang pasahod sa kanya.
Bagamat malaki pa rin ang hinagpis dahil sa nangyari ay nagpapasalamat pa rin si Princess dahil sa suportang ibinigay sa kanya ng mga mababait niyang amo habang inaasikaso ang kasong isinampa niya sa pulis. Todo ang suporta ng mga ito habang nag-iiyak siya sa pagkawala ng inipon niyang pera. Tinipid niya nang husto ang sarili, pati na rin ang mga kapatid sa Pilipinas, pero ibang tao lang pala ang makikinabang sa perang inipon niya.
Payo ni Princess sa iba, huwag basta-basta magtitiwala sa mga taong nakikipagkilala sa kanila sa Central, o kahit saang lugar sa Hong Kong. Si Princess ay solong ina na mula sa Isabela, at isang taon pa lang naninilbihan sa kauna-unahang amo niya sa Hong Kong. – Marites Palma