Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ngipin ng batas, dapat dito at ‘Pinas

22 March 2017

Ni Vir B. Lumicao

Pinapanday ng Hong Kong Labour Department ang isang panukala upang magkaroon ng legal na batayan ang Code of Practice for Employment Agencies.

Layunin din ng pagsususog sa Employment Ordinance (Cap 57) na itaas sa $350,000 ang multa ng mga ahensiyang di-lisensiyado o sumisingil nang labis-labis bukod pa sa tatlong taong pagkakabilanggo sa mga napatunayang lumabag sa batas.

Dapat ding may kaukulang aksiyon ang gobyerno ng Pilipinas upang matigil naman ang paniningil nga mga ahensiya roon ng napakataas na training fee at iba pang mga bayarin sa mga katulong na paparito sa Hong Kong.

Sinabi ni Labour Secretary Stephen Sui sa Legislative Council na binabalak niyang isampa ang panukala sa loob ng darating na tatlong buwan.

Malaon nang hinihingi ng madla sa gobyerno ang ganitong paghihigpit sa mga ahensiya na nagdadala ng mga manggagawa sa Hong Kong, lalung-lalo na yaong para sa mga dayuhang kasambahay, dahil sa maraming reklamo ng mga katulong ukol sa mga ilegal at sobrang bayad.

Sa kabila ng pagbabawal ng gobyerno ng Hong Kong sa paniningil ng placement fee sa mga dayuhang kasambahay na higit sa 10% ng kanilang buwanang sahod ay marami pa rin ang hindi sumusunod.

Gayundin, sa kabila ng lalong mahigpit na pagbabawal sa mga ilegal na pangangalap ng mga dayuhang katulong ay mayroon pa ring mga ahensiya o tao na patuloy sa ganitong gawain.
Sa mga nakalipas na taon ay mayroon nang ilang ahensiya na napatunayang nagkasala at nahatulan sa hukuman dahil sa labis-labis na paniningil sa mga dayuhang kasambahay na naghahanap ng mapapasukan dito.

Hindi pa katagalan ang pagkakapasara sa ilang kilalang ahensiya sa Hong Kong tulad ng Satisfactory Employment & Travel Centre, Vicks Maid Consultant Company, Joyce Employment Agency, Ka Ying Employment Agency at, kamakailan lamang, ang Jen’s Employment dahil sa paniningil ng sobra sa mga aplikanteng katulong.

Ngunit kapansin-pansing hindi nila ininda ang mga parusang ipinataw sa kanila dahil napakaliit ng mga multa at walang kasamang pagkakabilanggo.

Iyon marahil ang dahilan kaya nga ilan sa mga nahahatulan at napaparusahang ahensiya ay sumusulpot muli sa likod ng panibagong pangalan pagkaraan ng maikling panahon.
Samakatuwid, napapanahon ang plano ng Labour na susugan ang Employment Ordinance upang magkaroon ng ngipin ang Code of Practice para sa mga ahensiya.

Hangga’t nakikita ng mga may-ari ng ahensiya na kaya nilang tanggapin ang magaan na parusa sa kanilang mga paglabag sa batas sa pangangalap ng mga dayuhang katulong ay mawawalan ng saysay ang mga hakbang na isinasagawa ng gobyerno ng Hong Kong. At mas lalong hindi mapapangalagaan ang kapakanan ng tinatayang 350,000 kasambahay laban sa pananamantala ng mga ahensiya.

Sa panig ng mga bansang nagpapadala ng mga katulong sa Hong Kong, dapat din nilang tapatan ang mga hakbang ng gobyerno rito para maprotektahan ang mga dayuhang katulong na walang kalaban-laban at walang ibang mapagkakanlungan kundi ang batas.

Sa Pilipinas, halimbawa, kailangang rendahan ng gobyerno ang paniningil ng mga ahensiya roon ng sobrang-taas na training fee at kung anu-ano pang bayaring inihalili nila sa agency fee.

Ang pagsasaayos sa batas na sumasakop sa mga karapatan, kapakanan at kaligtasan ng mga migranteng manggagawa at hindi lamang sa balikat ng iisang panig nakaatang. Ang pagpuprotekta sa kanila ay tungkulin ng mga bansang nagpapadala at paroroonan nila.  

Don't Miss