Dalawang dekada nang nagtratrabaho si Florence sa Hong Kong at naka tatlong lipat na rin siya ng amo. Mula noong dumating siya dito, hindi siya tumigil sa pagpapadala ng pera sa pamilya, gaya ng karamihan.
Nang mauso ang financial literacy seminar sa Hong Kong ay isa siya sa naengganyong sumali. Dito niya natutunan na kung gusto niyang maituwid ang sobrang asa ng pamilya sa kanya, kailangan sa kanya mag-umpisa ang pagbabago.
Kaya sa mga sumunod na pag-uwi niya sa Pilipinas, hindi na siya nagbibigay ng pasalubong, at hindi na rin siya nagbibigay ng pera bago bumalik sa Hong Kong. Wala na rin ang bonggang kainan kung siya ang taya.
Dahil dito ay naramdaman niya ang lungkot dahil hindi na siya pinapansin ng pamilya. Ang isa niyang kapatid ay hindi na halos pumapasok sa kanilang bahay, hindi gaya noon na napupuyat silang magkakapatid sa pagkukuwentuhan.
Nagtatampo si Florence sa pamilya dahil hindi na nila binibigyang halaga ang pagsasakripisyo niya para maipatayo ang bahay na tinitirhan nilang lahat ngayon, at pati na ang pagpapaaral sa kanila. Ang kanyang balak na umuwi na nang tuluyan ay naudlot na din dahil sa ipinapakita ng kanyang pamilya. Si Florence ay dalaga, tubong Cagayan. — Cris Cayat