Tinanong kasi siya nito kung nasaan ang orihinal na kopya ng kontrata, at nang sinabi niyang nasa dati niyang agency ito dahil hindi pa bayad ang hinihingi nitong placement sa kanya ay sinabihan siyang ilegal yun at maari niyang isumbong sa pulis. Pinayuhan siya na 10 % lang ng kanyang unang buwang sahod ang dapat niyang bayaran.
Ang pangalawang suwerte niya ay ang bago niyang amo na napakabait. Mababait naman din ang mga nauna niyang amo na pawang Briton, pero malayong mas mabait daw ang bago. Anim na araw pa lang siya sa kanila ay inalok na siyang magbakasyon pagkatapos ng isang taon para makasama ang pamilya taon taon.
Noong naikwento ni Julie Ann ang pagkasira ng ilang parte ng kanilang kabahayan at ang kanyang maliit na tindahan dahil sa bagyo ay agad siyang binigyan ng $2,000 para pandagdag daw sa pagpapaayos.
Lagi din daw na nagpapasalamat ang amo dahil sa pag-aayos niya ng kanilang tahanan. Mula daw kasi nang dumating siya ay napakaayos na ng kanilang bahay. Bukod dito ay kasundo pa siya ng dalawang alaga. Nasambit ni Julie Ann na sadyang mabait ang Diyos dahil lagi siyang binibigyan ng mababait na amo. Lagi naman din daw siyang tapat sa kanyang trabaho, kaya marahil ay pinagpapala din siya.
Si Julie Ann ay tubong Isabela at nakapitong buwan na sa mga amo na nakatira sa Central. – Marites Palma