Dahil matatapos na ang kanyang kontrata sa mga amo ngayong Setyembre ay nagplano si Mia na umuwi na para magpakasal sa kanyang nobyo na ka-barangay niya. Dahil sa plano niyang pag-uwi ay pinadalhan niya ng pera ang nobyo para mag-alaga ng mga hayop at bumili ng sakahan.
Sa isip niya, ito ang kanilang gagawing negosyo pagkatapos ng kanilang kasal. Ang ibang hayop ay gagamitin naman para sa handaan sa kanilang kasal. Tiwalang tiwala siya sa kanyang nobyo dahil kilala na ito ng kanyang pamilya at laging nasa kanila tuwing may okasyon.
Pero kamakailan ay nadiskubre ni Mia na may ginagawang milagro ang kanyang nobyo. Sa 60 sako ng palay na pinamili ng kanyang nobyo gamit ang pera na pinadala niya ay 10 sako na lang ang natira. Iyong 10 baboy na pinaalagaan niya ay isa lang ang pinagkakitaan niya matapos ibenta.
Nang tanungin niya ang kanyang nobyo ay wala itong maisagot kung saan nito dinala ang kanyang pera. Basta ang sabi ay babayaran na lang siya.
Sa galit ay tinapos ni Mia ang kanilang relasyon. Hindi pa man daw ay niloloko na siya, buti na lang at walang nangyari sa kanila. Panay naman ang kantiyaw ng kanyang mga kaibigan na hindi makapaniwala na walang namagitan sa kanila ng kanyang nobyo, gayong dalawang beses siyang umuwi para magkasama sila.
Talaga daw bang hindi humiling ang kanyang nobyo na magsiping sila? Agad namang ginantihan ito ni Mia ng sagot na: “Baka hindi niya talaga ako minahal. Wala siguro akong appeal sa kanya.” Pero mabuti na lang daw ito siguro dahil baka ay nagkaanak pa siya dito, at baka mapilitang magpakasal pa rin kahit na siya ay niloloko.
Dahil sa napurnadang kasal ay balak ni Mia na pumirma na lang ulit ng kontrata sa mga among mabait. - Merly Bunda