Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ang ibang landas patungo kay Buddha

11 March 2017



Ni Vir B. Lumicao at Emz Frial

Karamihan ng mga nais dumalaw sa dambana ng Giant Buddha sa Lantau ay sumasakay sa bus mula sa Mui Wo Pier o sa Tung Chung MTR station. Ang malalakas ang dibdib at tuhod ay doon naman sa iba’t ibang mapaghamong landas sa kabundukan dumaraan.

May ilang yugto ng 70-kilometrong Lantau Trail na pamimilian ng mga hiker papunta sa Ngong Ping o sa Fung Wong Shan (Lantau Peak, 934 metro) saan mang dako ng Lantau sila magmumula.
Ang Tung Chung-Ngong Ping Section ng Lantau Trail ay madalas daanan ng mga umaakyat dahil sa magagandang tanawin mula sa matatarik na hagdang-semento o mabatong landas.

Mula Tung Chung ay mahigit dalawang oras ang lakad kung mabilisan ngunit kung mabagal ang lakad at nagpapahinga, aabutin ito ng limang oras. May layong 8.4 kilometro hanggang 10 km mula Tung Chung hanggang Ngong-Ping.

Sa mga naghahanap ng madaling ruta, tahakin ang landas sa Nim Yuen, sundan ito paahon sa mumunting pamayanan ng mga nagtatanim ng gulay bago daanan ang Yeun Tan Temple malapit sa Shek Mun Kap. Doon ay sundan ang Tei Tong Tsai Country Trail hanggang sa campsite sa hugpungan ng Nei Lak Shan at Lantau Peak.

Mas maikli ang rutang ito na tinatayang 7 km lamang, ngunit puro paahon kapag patungo sa Buddha at puro pababa naman kung pabalik sa Tung Chung.

Di sinasadyang napadaan ang pangkat namin kami sa isang madali ngunit doble ang habang ruta nang umakyat kami noong Peb 2 sa Ngong Ping. Natuklasan namin ito dahil sarado ang dati naming landas sa ruta ng cable car at naghanap kami ng iba.

Puro patag ito sa umpisa at nababagay sa mga baguhan. Mula sa Tung Chung, daraan ito sa Ngau Au at pakanang bumabaybay sa Tung Chung Bay sa pagitan ng Chek Lap Kok at Lantau, at tuluy-tuloy sa mga lumang nayon ng mga mangingisda sa San Tau at Kau Liu.

Sa labas ng magkalapit na nayon ay may pavilion at viewdeck para tanawin ang gawing dulo ng paliparan sa Chek Lap Kok. Ito ay may 6.5km ang layo mula Tung Chung.

Ilang kilometro pa at nandoon ang magkalapit ng nayon ng Sha Lo Wan Chung Hau kung saan may ferry pier at ang Sha Lo Wan San Cheung, ang patag na lupaing may mga taniman ng gulay at prutas tulad ng gabi, litsugas, saging, long-an at lychee.

Sa tabing-daan sa San Shek Wan, Sham Shek Tsuen at Nam Tin madaraanan ang ilang luma at bakanteng bahay at mga katabing babuyan na halatang malaon nang sarado.

Mas maluwag na ang daan pagdating sa Sham Wat at paminsan-minsan ay may mga kotseng nagdaraan. Para sa mga ibig maligo sa dagat o kumain ng seafood, ito ang akmang lugar para humiwalay sa mga hiker.

Ang daan paakyat ay mistulang parada ng
magagandang tanawin.
May maliit na aplaya sa Sham Wat kung saan may mga kainang nag-aalok ng mga lutong lamang-dagat. Para sa mga naghahanap ng mas maraming putahe ng seafood, maaring tumuloy sa Tai O, na 3.5km ang layo mula sa kalsadang iyon.

Sa marker sa sangandaan ng Sham Wat ay nakasulat na 4.6 km ang Ngong Ping Road, at mula roon ay may 3.5km pa ng paakyat na kalsada papuntang Po Lin Village sa paanan ng Giant Buddha.

Pag-ahon sa Sham Wat Road ay puro bundok na ang matatanaw at paglingon sa pinagmulan ay matatanaw ang kumikislap na Pearl River Estuary. Ang ginagawang tulay na magkukonekta sa Hong Kong at Macau ay matatanaw din sa kalayuan.

Nasa Sham Wat Road ang hamon sa pag-akyat sa rutang ito at kapag mataas pa ang araw ay dusa ito sa hiker dahil halos walang mga punong masisilungan. Ngunit malamig na ambon ang sumalubong sa amin. Nasundan iyon ng manipis na belo ng ulap na lalong nagpaigting sa makukulay na ligaw na bulaklak.

Gutom kaming umahon sa Ngong Ping, at napawi iyon sa mga bitbit naming snacks, bagamat iba’t ibang uri ng pagkain at inumin ang mabibili sa hilera ng mga tindahan sa gilid ng malawak na liwasan sa Po Lin.

Kung may lakas pang natitira sa iyong mga binti, maakyat mo ang 360 baitang na hagdang-bato papunta sa luklukan ng Giant Buddha na napapaligiran ng iba’t ibang imahe na sinasamba at hinahagisan ng barya ng mga tao.
Don't Miss