Ang Tin Hau Temple ang unang mapapansin sa Po Toi islalnd. |
Ni Marites Palma
Sa Po Toi Island na nasa katimugan ng Hong Kong matatagpuan ang malalaking tipak ng bato na nakakamangha dahil sa kanilang iba-ibang hugis. Dito rin matitikman ang pinakasariwa at pinakamurang seaweed (o damong dagat) sa buong Hong Kong.
Mararating ang islang ito sa pamamagitan ng bangka mula sa Stanley o Aberdeen. Kung tatanawin mula sa malayo ay magmumukhang parang nakalutang na entablado ang isla – na sinasabing siyang dahilan kaya tinawag itong Po Toi.
Dahil sa layo nito sa mga mataong siyudad ng Hong Kong, aabot lang sa 200 katao ang lahat ng mga nakatira dito. Nguni’t ayon sa kasaysayan, dati ay may 1,000 ang populasyon nito, na pawang mga magsasaka, mangingisda at nangangalakal ng seaweed. Nakatira sila sa dalawang nayon ng Po Toi, ang Chang Shek Pai at Shan Lui.
Kasabay ng mabilis na pag-asenso ng Hong Kong ay nagpasya ang maraming naninirahan dito na lumisan at makipagsapalaran sa mataong siyudad. Dahil dito ay kapansin-pansin na pawang may edad ang mga nakatira sa islang ito ngayon.
|
Hindi kumpleto ang pagbisita dito kung hindi muna titikman ang kanilang ipinagmamalaking sopas na may seaweed. Pagkatapos makahigop ng malinamnam na sopas ay maaari nang lumarga.
Umpisahan ang paglalakad sa pagtalunton sa lakaran na nasa gawing kaliwa ng mga kainan. Habang naglalakad ay makikita ang maraming lumang bahay, o iyong nasira ng mga nagdaaang bagyo at hindi na inayos pang muli. Katulad ng karamihan ng mga nayon sa baybayin ay makikita sa paligid ang mga pinapatuyong isda na nakasabit sa alambre, at pati na rin mga pinapatuyong seaweed.
Sa umpisa pa lang ng pag-akyat sa burol papunta sa templo ay mabibighani na agad sa ganda ng tanawin, nguni’t ang lahat ng ito ay walang panama sa makikita pagdating sa kinatatayuan ng Tin Hau Temple, paharap sa Tai Wan Bay. Walang kasing ganda ang paligid, na mistulang disyerto sa tabi ng dagat!
Agad mababakas na lumang luma na ang templo, na itinayo bilang gabay ng mga mangingisda hindi lang sa Po Toi, kundi sa iba pang mga isla. Walang makikitang ulat tungkol sa kung kailan itinayo ang templo, ngunit may mga dokumento na nagpapatunay na ito ay kinumpuni noong 1893.
Malapit sa kinatatayuan ng templo ay may bako-bakong daan paakyat sa tuktok, na ang tanging gabay ay ay ang isang kadenang metal na nagsisilbing hawakan sa pag-akyat. Agad na sisidhi ang interes na tuntunin ang daang ito na napapalibutan ng makakapal at mala-bonsai na mga punong kahoy. Gaano man katindi ang pagod ay agad na mawawala kapag nasilayan ang kamangha-manghang tanawin mula sa tuktok ng isla. Magpapasalamat ka sa Poong Lumikha ng wala sa oras, dahil sa ganda ng tanawing siya lang ang maaaring may gawa.
Pagkatapos ng isa’t kalahating oras na paglakad mula sa templo ay aabot sa isang sangandaan malapit sa pavilion. Kung ang pinili mong daan ay yung papunta sa Ngau Wu Teng Pavilion, mas maraming magandang tanawin kang makikita. Sa pinakatuktok ng lakaran ay mapapamangha kang tunay sa mala-paraiso at walang hanggang tanawin ng South China Sea.
Bukod sa templo, ang isa pang atraksiyon ng Po Toi ay ang mga naglalakihang mga bato sa paligid na iba-iba ang tabas at hugis, at nabuo mula sa granite.
Ang pinatuyong isda ay isa sa mga produkto ng lugar. |
Sa daan pabalik sa pier mula sa Nam Kok Tsui, mabubungaran ang napakalaking bato na mistulang higanteng kamay, kaya tinawag itong Buddha’s Hand o Palm Cliff. Ito ang pinakasikat na palatandaan ng sa Po Toi.
Sundin lang ang daan pababa mula sa hagdan at madadaanan ang Rock Carvings, mga nililok na higanteng bato na pinaniniwalaang ginawa noong Bronze Age, o noong 500-700 BC. Ang mga idineklarang monumento ng “prehistoric totems” ay kumupas na sa kalumaan kaya tinakpan ang mga ito ng transparent na fiber glass. Bagamat ilang libong taon na ang nakakaraan magmula nang ukitin ang mga batong ito, nadiskubre lang sila noong mga 1960s.
May isa pang kakaibang atraksiyon ang Po Toi, at ito ang tinatawag na “Deserted Mansion of Family Mo,” isang pinaniniwalaang haunted house. Itinayo ito ng pamilya Mo noong mga 1930s sa Chang Shek Pai, at bagamat sira-sira na at walang nakatira ay nananatiling nakatayo. Popular ito sa mga kabataang bumibisita sa isla. Ayon sa kuwento ng ilan, kusang tumitindig ang kanilang mga balahibo habang papalapit sa abandonadong bahay.
Ang lakarang ito ay may layong apat na kilometro, at matatahak sa loob ng hanggang tatlong oras. Madaling lakaran ito dahil pati mga bata ay kinakayang umakyat sa bundok ng isla.
Paanong marating ang Po Toi? Maaring sumakay ng kaito o maliit na ferry mula sa Aberdeen Pier, at aabot ng isang oras ang biyahe. Ang kaito dito ay may takdang oras ng paglalayag, at masasakyan lang tuwing araw ng Martes, Huwebes, Sabado, Linggo at piyesta opisyal.
Kung gusto mo ng mas maikling paglalayag, sumakay sa Stanley Blake Pier. Sa loob lang ng 30 minuto ay mararating mo na ang Po Toi. Mas bihira ang biyahe mula dito, dahil tuwing Sabado, Linggo at piyesta opisyal lang ang naglalayag ang mga kaito.