Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Kung walang OEC, sasaya ang OFW

27 February 2017

Ni Vir B. Lumicao


Nitong mga nakalipas na buwan ay puspusang pinagbubuti ng Philippine Overseas Labor Office o POLO ang pamamaraan ng pagbibigay ng OEC, ang dokumentong kinasasalalayan ng paglabas sa bansa ng isang manggagawang Pilipino.

Maliit na halaga lamang ang bayad para sa maliit at payak na dokumento, ngunit marami nang OFW ang naperhuwisyo at marami pa ang maaaring dumanas din ng ganoon habang patuloy ang pagpapatupad ng gobyerno natin sa nasabing sertipiko.

Ayon sa mga opisyal ng gobyerno, kailangan ang OEC upang maiwasan umano ang human trafficking, o ang ilegal na pagpupuslit ng mga manggagawa na hahantong sa kanilang pagkakaalipin o pagkakapariwara. Hindi umano sapat ang kontrata sa paggawa bilang hadlang sa salot na ito.

Ngunit sa pagmamatyag at pakikihalo namin sa mga manggagawang pumipila para sa OEC sa mga nakalipas na panahon ay nasaksihan at nadama namin ang pahirap sa kanila na bunsod ng patakarang kinakailangang may OEC sila upang makalabas muli sa Pilipinas ang nagbabakasyong manggagawa.

Napakaliit nga lang ng bayad sa OEC, $20 sa Hong Kong, ngunit ang penitensiyang dulot nito sa mahigit 187,000 manggagawang namamasukan sa lungsod na ito ay hindi matutumbasan ng salapi.

Ilang OFW na nakausap namin sa pilahan noong mga nakaraang “high season” ng pag-uwi sa Pilipinas ang nagsabing alas-6 pa lang ng umaga ay nakapila na sila sa tulay ng Admiralty upang manguna sa pag-akyat sa tanggapan ng POLO para sa OEC. Ngunit alas-10 na ay nandoon pa rin sila sa tulay.

Nang dumating sa POLO si Labor Attache Jalilo dela Torre ay nag-isip siya ng paraan para mapadali ang pagkuha ng OEC, kabilang na ang pagbubukas ng mga OEC mobile outlet sa WorldWide House at United Centre, at sa pagpapa-overtime sa kanyang mga tauhan upang magbigay ng nasabing dokumenton hanggang alas-8 ng gabi.

Kapag araw ng Sabado ay bukas din ang POLO sa ika-16 palapag ng Admiralty Centre Tower 1 upang mag-isyu ng OEC mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Kasabay niyon ay pinag-ibayo ang pagrerehistro ng mga OFW sa BM Online upang sa internet na lang sila kukuha ng OEC sa susunod, at nang maiwasan ang pagpila. Noong tag-araw ay ipinatupad ng POLO ang temporary OEC exemption slip kung saan magbayad lang ang mga OFW ng $20 ay iisyuhan na sila niyon at saka na lang nila aasikasuhin ang pagpapalista.

Ang siste ay ilang mangggawa ang nagreklamong nasabit sila – hindi pinalabas ng mga taga-Bureau of Immigration sa airport – dahil ayaw kilalanin ng nasabing ahensiya ang mga temporary form.

Ang pinakahuling hakbang ng POLO ay ang sapilitang pagrirehistro ng mga kukuha ng OEC sa BM online na ipinatupad noong bago mag-Disyembre. Napilitang magrehistro ang mga OFW na dati ay nagtitiis pumila nang maghapon sa tulay sa Admiralty dahil nahihirapan silang kumalikot sa kanila mga mobile phone.

Inatasan din ng POLO ang lahat ng mga ahensiya sa Hong Kong na kapag nagproseso sila ng manggagawang Pinoy ay irehistro na rin nila ito sa BM Online.

Kahit umaabot sa 300 araw-araw at 600 tuwing Linggo ang nairirehistro sa BM Online, umabot lang sa 38,000 ang nakapagparehistro noong Disyembre. Ang ibig sabihin ay aabutin pa marahil ng dalawang taon bago marehistro ang lahat ng OFW sa Hong Kong.

Sa sipag at tiyaga ng POLO at mga volunteer nito sa pagrirehistro ng mga OFW sa BM Online ay mawawala rin ang mahabang pila para sa OEC. Ginhawa ito para sa mga malatupang manggagawa na sunud-sunuran lang sa mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan.

Ngunit sa mga manggagawang mapanuri, malilimi nilang ang kapirasong papel na kinasasalalayan ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa ay isa lamang dagdag na pabigat o pagpiga ng gobyerno sa kanila.

Kung tutuusin ay madali namang hingian ng tulong ang mga OFW kung kinakailangan. Ngunit ang pararaanin sila sa butas ng karayom upang kulektahan ng opisyal na pataw, gaano man kaliit, ay ituturing nilang isang pahirap na nararapat lamang labanan.

Don't Miss