Gayon na lang ang kanyang gulat nang sumagot ito ng, “Hala, hindi ko pera ito kabayan, pera ng amo ko, baka malaman niyang kulang ng $2, sukli niya. Nakakahiya sa amo ko, baka hindi na niya ako pagkatiwalaan.”
Napatanga ng ilang sandali si Ana sa tinuran ni Beata, pero nang mahimasmasan ay nagmakaawang muli na babayaran din siya. Magka-building lang naman sila, kaya aabangan na lang daw niya ito kinabukasan sa kanilang lobby para bayaran ang maliit na halagang hinihiram niya.
Nagdalawang-isip pa rin si Beata kaya sinabi ni Ana na magka-bulding sila talaga, at maari daw siyang ipagtanong sa ibang mga Pinay na nakatira din doon. Bagamat atubili pa ay umoo na rin si Beata, pero pinakasiguro na babayaran siya ni Ana kinabukasan para hindi siya mapagalitan ng kanyang amo.
Kinaumagahan dahil Linggo at araw ng pahinga nilang dalawa ay talagang hinanap ni Beata si Ana sa mga Pinay doon sa lobby para singilin. Eksakto namang lumabas si Ana sa lift at agad na nagpakilala na siya yung umutang, sabay abot sa $2. Abot-abot din ang pasasalamat na ginawa niya kay Beata. Agad namang inabot ni Beata ang pera, sabay sabing walang anuman, bago nagpaalam.
Mula noon ay lagi nang nagdadala ng ekstrang pera si Ana kapag inuutusan siyang bumili ng kahit ano sa labas para hindi na siya magmakaawang humiram ng kahit na barya lang sa mga kakilala. Si Ana ay isang Bisaya, 35 taong gulang may asawa at mga anak, at isang taon ng naninilbihan sa mga among Intsik sa Taiwai. – Marites Palma