Hindi raw sapat ang sentensiya kay Cerila dahil sa dami ng taong niloko nito. Ayon sa kanila, 54 silang lahat na naloko ni Cerila, at umabot sa $166,000 ang lahat ng naibayad nila sa kanya apat na taon na ang nakakaraan.
Marami sa kanila ay Ilonggo, pero mayroon ding taga Batangas at iba pang lugar.
Nagpakilala daw si Cerila na kasambahay ng isang nagtatrabaho sa Gammon, isang kilalang construction company sa Hong Kong. Sinabihan daw siya ng kanyang amo na maghanap ng mga interesadong magtrabaho bilang construction worker sa malalaking proyekto ng Gammon, katulad ng mga itinatayo na bagong MTR station.
Nagtangka daw tumakas pauwi si Cerila matapos manloko, ngunit nasabat ng immigration sa Hong Kong kaya nahuli at nakulong. Hinihintay na lang ng mga biktima na makalaya si Cerila para doon muling ipadampot sa Pilipinas sa kasong illegal recruitment, na ang kaparusahan ay maaring umabot sa habambuhay na pagkabilanggo. – Merly Bunda