Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Hindi naluto ang kanin!

04 February 2017

Excited na nagtawag si Guada sa mga kasama  niya sa bahay matapos ihanda ang hapag-kainan para sa hapunan. Uupo na sana ang kanyang mga amo, pati na ang nanay ng kanyang among babae na mula sa Australia, nang biglang mapasigaw si Guada ng, “Oh, no!” na narinig ng lahat.

Agad siyang nilapitan ng lola para tanungin kung bakit. Sagot naman ni Guada sa mahinang boses, “So sorry popo, the rice is not yet cooked. I plugged the bread toaster, not the rice cooker.”

Tumawa lang si popo at sinabing "It’s ok.”

Gayunpaman, hindi mapatid-patid ang paghingi ng paumanhin ni Guada dahil alam niyang pagod mula sa trabaho ang mga amo, at may bisita pa sila mandin. Ngunit dahil likas na mababait ang mga ito ay sinabi na lang nila ang, “It’s fine, we can wait”.

Hiyang hiya talaga siya dahil hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari sa kanya ang ganito.

Biro naman ni Popo, maghanap na daw siya ng boyfriend para hindi niya nalilimutan ang kulay ng saksakan ng kanilang rice cooker. Sa tinurang yun ni Popo ay napatawa ang lahat. Lahat ay sumali sa biro na kailangan niya ng boyfriend dahil panahon na rin daw para lumigaya siya. Lalong pumula ang mga pisngi ni Guada sa biro.

Dahil sa hiya ay nagpaalam siya na mamalantsa muna habang hinihintay na maluto ang kanin. Mabuti na lamang at iba ang pagkain ng alaga niya dahil kung hindi ay lalo siyang mahihiya dahil ang pakiramdam niya ay parang iresponsable na siya sa kanyang gawaing bahay at hindi sinusuklian ang kabaitan ng mga amo.

Pagkalipas ng 30 minuto ay lumabas na si Guada sa kanyang kwarto at naghaing muli, at pinainit na lang ang mga lumamig na ulam sa microwave.

Mula noon ay tinitingnan na niyang mabuti kung tama ang isinasaksak niyang gamit para hindi na maulit muli ang nakakahiyang pangyayari. Si Guada ay isang taon ng naninilbihan sa Shatin, solong magulang at tubong Cagayan Valley. – Marites Palma

Don't Miss