Pero sa pagpasok sa iba’t ibang klase ng trabaho, may ilang mamalasing maabuso o masasaktan. Nangangailangan sila ng tulong, pero marami sa kanila ay hindi alam ang gagawin, kung saan hihingi ng tulong at kung may katapusan pa ang kamalasang dinaranas.
Para sa mga gustong tumulong, ang unang tanong ay kung sino at nasaan ang nangangailangan sa kanila. Upang matugunan ang pangangailangang ito, may isang app, na ang tawag ay OFW Watch (isa itong programang pang-computer na magagamit sa smartphone), na ipinalalaganap sa OFW sa buong mundo, simula sa Hong Kong. Handog ito ni Myrna Padilla, isang dating OFW sa Hong Kong at nagtayo ng isang computer software company nang umuwi sa Pilipinas. Pinalalaganap niya ito sa tulong ng POLO (Philippine Overseas Labor Office).
Maganda ang layunin ng mga nasa likod ng app. Ang problema lang ay kung ilang OFW ang magda-download nito.
Kamakailan nakita natin ang ugali ng mga OFW sa pagbabago. Halimbawa, hangga ngayon ay marami ang mas gusto pang magreklamo kaysa magrehistro na lang sa BMOnline, na siyang paraan upang makakuha ng OEC (ang overseas employment certificate). Ang gusto kasi nila ay pumila na lang. Kaya naman noong nakaraang Pasko at Bagong Taon, libo-libong OFW na pabalik na sana sa kani-kanilang trabaho ang nasabit sa mga airport sa Pilipinas dahil walang OEC o exemption.
Kung madadaan ka sa HK Immigration, mapapansin mo rin ang pila na nagsisimulang humaba kahit mga alas-otso pa lang ng gabi.
Ito ang mga hindi nag pa-appointment sa pamamagitan ng internet at mas piniling pumila hanggang magbukas sa ika-siyam pa ng umaga kinabukasan.
Sana ang nakaambang panganib at ang pagkakataong makatulong sapat na upang makumbinsi tayo na sumabay sa pinakabagong teknolohoya na gaya nito.