Si Myrna ay isang maybahay na dating nagtatrabaho bilang katulong sa isang pamilya sa Mid-levels.
Tatlong taon pa lang siya dito sa HK noon nang makilala niya si Ricky, isang diborsiyadong Intsik na kalaunan ay naging asawa niya. Nagkaroon sila ng dalawang anak na halos isang taon lang ang pagitan ng mga edad. Mula nang magkaroon sila ng anak ay tumigil na din sa pagtatrabaho si Myrna para maalagaan ng husto ang mga bata.
Isang araw ay may lagnat ang kanyang panganay na anak. Mula sa kanilang bahay sa Kennedy Town at akay-akay niya ang dalawang bata papunta sa kanilang doktor sa North Point.
Habang nasa loob sila ng MTR ay napansin niyang tinitingnan siya ng isang mamang dayuhan. Nang magtagpo ang kanilang paningin ay magalang na ngumiti si Myrna at tango naman ang isinukli ng lalaki.
Pagdating sa kanilang destinasyon ay tumayo na din ang lalaki sa kinauupuan. Bago ito tuluyang lumabas ng tren ay lumapit ito sa mag-iina at walang imik na inabot ang hawak na papel kay Myrna sabay talikod. Wala sa isip na tinanggap ito Myrna at inilagay sa bulsa.
Nasa loob na sila ng clinic nang naalala ni Myrna na tingnan ang inabot ng lalaki. Nagulat siya dahil isang buong $1,000 pala ito. Hindi lubos maisip ni Myrna kung bakit siya binigyan ng pera hanggang sa makita niya ang sarili sa salamin. Magulo ang buhok niya at mukhang siyang may sakit. Naisip ni Myrna na malamang napagkamalan silang pulubi kaya binigyan ng limos. Si Myrna ay isang Ilonggo. —Gina N. Ordona