Tatlong beses siyang pumunta ng palengke sa isang linggo. Para na siyang trumpo dahil palagi na lamang siyang nagmamadali. Ang masaklap pa ay kailangan niyang maglakad ng 15 minuto papunta sa palengke dahil ayaw ng amo niya na sumakay siya at hindi raw kasama sa budget ang pamasahe niya. Puwede lamang siyang sumakay pauwi dahil marami na siyang bitbit.
Ayaw naman gamitin ni Monina ang sariling pera para sa pamasahe sa bus dahil nagtitipid din siya, kaya kailangan niyang magtiis. Iniiwasan din ni Monina na mahuli sa pag uwi sa oras na binigay para sa pamimili dahil siguradong dadakdakan na naman siya ng amo.
Isang araw ay sinermunan na naman ng amo si Monina dahil daw sa maling paghawak niya ng gunting habang ginagawa ang utos nito. Hindi na napigilan ni Monina ang sarili at sinabihan ang amo na tigilan na ang pangingialam sa kanyang trabaho dahil ginagawa na naman niya ang tama. Sinabi din niya na kung hindi ito titigil sa kakadakdak ay lalayasan niya ito.
Sinagot siya ng kanyang amo kung tinatakot ba siya nito at sinagot dn nya ng, “Hindi kita tinatakot, bakit natatakot ka ba?” Sinagot din siya ng kanyang amo ng, “hindi!” Kaya naman sinabi ni Monina sa kanya, “yon naman pala, bakit naman kita tatakutin? Hangga’t maaari ayoko na magtalo tayo dahil ayoko ng gulo kaya pinipigilan ko ang sarili na sumagot. At masama ang loob ko kaya ayoko nang makita kahit ang anino mo!”
Nagulat ang amo ni Monina sa kanyang mga sinabi pero agad itong umalis ng kusina at pumasok sa kuwarto. Makalipas ang isang oras ay lumabas ito ng kuwarto at humingi ng paumanhin kay Monina.
Ngunit pagkalipas ng ilang araw ay balik na naman ito sa dating ugali.
Dati nang nanilbihan si Monina sa kanyang among Intsik sa loob ng pitong taon. Umuwi lamang siya sa Pilipinas noon para magpahinga pansamantala, bago nakumbinsing bumalik pagkatapos ng isang taon. Maldita na daw ang amo noon pa, ngunit binalikan niya ito dahil sa mga alaga na napamahal na sa kanya.
Akala ni Monina ay nagbago na ang ugali ng amo kaya siya nahimok na bumalik. Ganoon na lang ang kanyang pagkadismaya dahil imbes na tumino ay lalo pang gumaspang ang ugali ng amo.
Dahil dito ay nangako si Monina na hindi na siya muling pipirma ng bagong kontrata sa amo. Ilang buwan na lang ang nalalabi at maaari na niyang layasan ang sutil na amo. Si Monina ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Happy Valley. – Emz Frial