Ayon sa post, pinaghahanap ng mga amo si Herrera na naglaho pagkatapos magnakaw. Nagsilbi daw ito ng 18 buwan sa amo bago naganap ang pagnanakaw. Isa sa mga Pilipinang nag share ng post si Jasmine Inis Hidalgo, na nagdagdag na base sa record ng Immigration ay hindi pa nakakalabas ng Hong Kong si Herrera.
Marami sa mga nag-comment sa wall ni Hidalgo na naiinis sila sa nangyari dahil napapahiya sila tuwing tinatanong ng kanilang amo tungkol sa ginawa umanong pagnanakaw ni Herrera. Mayroon din naman nagtatanggol sa kanya, at sinasabing huwag siyang husgahan agad dahil hindi pa siya natatagpuan hanggang ngayon. Duda din ang ilan sa paratang dahil paano naman daw nakayang buhatin ng Pilipina mag-isa ang lahat ng appliances mula sa bahay ng amo. Dagdag ng iba, baka nabiktima ng akyat bahay ang amo at pati si Herrera ay tinangay nila.
Marami din ang nagsasabi na sana ligtas at nasa mabuting kamay si Hererra. Matagpuan na daw sana siya at nang masagot ang mga paratang sa kanya sa social media.
Mula naman sa isang kasambahay ng kaibigan ng among nanakawan umano, bigla na lang daw nagbago ang trato sa kanya ng mga amo dahil sa napabalitang nangyari. Pinagbawalan na daw siyang magdala sa kanilang pamamahay ng mga kaibigan niya tuwing araw ng pahinga, at nakasusi na rin ang lagayan ng kanilang vault at mga mahahalagang gamit. – Marites Palma