Noong Dis. 25, habang nagdiriwang ang mga kapwa taga-Cordillera sa likuran ng General Post Office sa Central ay nakaupo lang si Mardi sa tabi ng isang mesa at halatang masama ang pakiramdam.
Sinabi ng ilang kababayan niya sa nag-uusisang lalaki na kalalabas lang daw ng maysakit na katulong noong nagdaang araw sa Ruttonjee Hospital. Doon daw siya dinala ng mga kaibigan pagkatapos na bumaba nang kusa sa bahay ng mga amo, kahit hindi niya nakuha ang kanyang kabayaran. Hindi na raw niya natiis ang tatlong oras lang na tulog at kakaunti at tira-tirang pagkain na ibinibigay sa kanya.
Habang kausap ng lalaki si Mardi ay may naglagay ng donation box sa ibabaw ng mesa, isang pahiwatig na magbigay ng tulong ang mga naaawa sa sinapit ng katulong.
Nang tanungin kung nag-report na siya sa Konsulado para makuhanan ng pahayag at masampahan ng kaso ang kanyang mga amo ay umiling lang si Mardi. Maya-maya ay sumulpot ang isa niyang kababayan at iginiit na kailangang mapauwi na kaagad siya.
Idiniin naman ng lalaki na kung si Mardi ay minaltrato ng mga amo, dapat siyang magpatulong sa Konsulado upang mabigyan ng hustisya at mabawi man lang ang ibinayad sa ahensiya. Maaari rin siyang patirahin sa shelter ng Konsulado.
Uminit kaagad ang ulo ni Manang at sinabing kung gustong tulungan si Mardi ay ipa-blacklist daw ang mga amo niya sa pamamagitan ng paglalathala sa diyaryo. Sinabi pang limang araw niyang kinupkop si Mardi at malaki na araw ang hirap niya sa pagtulong, at kung may tatanggap sa sandaling iyon sa katulong ay ipauubaya na niya.
“Kaya nga dapat mo siyang dinala agad sa Konsulado dahil sila ang magba-blacklist at magsasampa ng pormal na reklamo, bago iyan isusulat sa diyaryo,” sagot ng lalaki.
Sa sandaling iyon ay kagyat na naagaw ng isang Christmas tree costume contest ng mga taga-Cordillera ang atensiyon ng lalaki, at kumuha ito ng mga larawan. Nang bumalik siya sa mesa ay wala na roon sina Mardi, Manang, ang mga kasamahan at ang collection box. Takang-takang napailing na lamang ang lalaki. — VBL